Paggawad ng pagkilala ng UP kay Mark Villar, binatikos ng mga estudyante

,

Binatikos ng mga mag-aaral ng University of the Philippines (UP) ang inianunsyo ng administrasyon ng pamantasan na gagawaran ng “honoris causa” si Sen. Mark Villar bukas, Enero 27, sa UP Diliman College of Law. Ipagkakaloob ng UP ang degree na Doctor of Laws kay Villar dahil umano sa kanyang mga “ambag at kontribusyon” sa unibersidad.

Inirehistro ng UP Office of the Student Regent, kinatawan ng mga estudyante sa Board of Regents ng UP, ang pagtutol at pagkadismaya sa desisyong ito ng UP. Minaliit ni Student Regent Siegfried Severino ang mga “kontribusyon” ni Villar sa unibersidad, at ikinumpara iyon sa maraming kaso ng “pangangamkam ng lupa at development aggression” ng naghaharing angkan ng mga Villar.

Dagdag pa ni Severino, ang mga paglabag na ito ng pamilyang Villar sa karapatan ng mga magsasaka at mahihirap ay pinalubha nang siya ay manungkulang bilang kalihim ng Department of Publis Works and Highways sa ilalim ni dating pangulo Rodrigo Duterte.

“Ang pagkakaloob sa kanya ng isang honorary degree ay mistulang pagsasaisantabi sa mga susing usapin na ito,” ayon kay Severino. Naniniwala ang rehente na dapat umanong maging pamantayan ng paggagagawad ng ganitong mga pagkilala “hindi lang ang kanilang mga kontribusyon sa Unibersidad, kundi maging ang kanilang pampublikong katayuan.”

Si Mark Villar ay anak ng multi-bilyunaryong si Manny Villar at Sen. Cynthia Villar. Si Manny Villar, na mayroong tumataginting na ₱424.9 bilyon, ay kabilang sa pinakamamayang Pilipino sa bansa. Si Mark ay kasalukuyang senador kasama ang kanyang ina. Saklaw ng pamilyang Villar ang maraming negosyo sa real estate, patubig at iba pa.

Pag-aari nila ang bulok na PrimeWater Infrastructure Corporation na pinuna ng Commission on Audit noong 2021 sa mga paglabag nito sa mga kontrata sa di bababa sa 38 water district sa buong kapuluan. Kabilang sa mga ito ang paglilihim ng plano sa hatian ng kita at kawalan ng plano sa pagpapaunlad at pagtiyak ng suplay ng tubig.

Nauna nang binigyan ng UP ang dalawang kumprador na sina Ramon Ang, punong ehekutibo ng San Miguel Corporation, at Manny Pangilinan, chairman ng mga kumpanya sa telekomunikasyon na PLDT at Smart at ng Manila Electric Company, ng parangal noong nakaraang linggo. Kilala ang dalawa sa maraming mga kaso ng paglabag sa karapatan ng mga manggagawa.

AB: Paggawad ng pagkilala ng UP kay Mark Villar, binatikos ng mga estudyante