Pagkilos laban sa korapsyon, nagpapatuloy sa iba’t ibang bahagi ng bansa
Sa iba’t ibang panig ng bansa, patuloy ang pagpapahayag ng galit ng mamamayan. Bitbit ang mga kani-kanilang gawang plakard, hindi nagpatinag sa ulan, baha o init ng araw ang mga manininda, magsasaka, mangingisda, manggagawa, taong-simbahan, estudyante, kabataaan, prupesyunal at iba pang sektor ng lipunan para ipahayag ang kanilang pagkundena sa nangyayaring malawakang korapsyon sa bansa.
Naglunsad ng prayer rally laban sa katiwalian ang mga manininda sa Brooke’s Point, Palawan noong Setyembre 29, sa pangunguna ng Brooke’s Point Tabuan Association. Kasama sa aktibidad ang mga residente, taong simbahan at si Mary Jean Feliciano, bise meyor ng prubinsya.
Noong Setyembre 30, naglunsad ng protesta na tinaguriang “Kick back laban sa may kickback” sa Hero’s Park ang mga estudyante ng Bulacan State University upang ipakita ang kanilang pagkundena sa mga maanomalyang flood projects sa kanilang prubinsya.
Pagsapit ng hapon, sumama sa pagkilos ang mga residente ng Bulacan at mga progresibong grupo, at sama-samang nagmartsa patungo sa Malolos City Hall at sa upisina ni Danny Domingo, kinatawan ng unang distrito ng Bulacan, na imbwelto sa mga maanomalyang proyekto sa prubinsya.
Naglunsad din ng protesta at cande lighting, sa parehong araw, ang mga estudyante, mga guro at istap ng Brokenshire College sa Davao City laban sa korapsyon. Lumahok sa pagkilos ang mga progresibong grupo sa prubinsya.
Noon Oktubre 1, naglunsad ng “Trillion Peso March sa Kabikolan: Aldaw nin Pambibi kay Ina” (Araw ng Pag-ibig kay Ina) sa pangunguna ng Archdiocese ng Caceres sa Naga City. Kabilang sa lumahok sa aktibidad ang mga istap mula sa lokal na ahensya ng syudad ng Naga, pribadong sektor, mga taong simbahan at mga kabataang estudyante at guro mula sa Ateneo de Naga University (ADNU), Naga College Foundation at Bicol State College of Applied Science and Technology.
Daan-daang mamamayan mula sa bayan ng Masantol at Macabebe sa Pampanga ang nagmartsa noong Oktubre 2, bitbit ang mga kabaon bilang simbolo ng mga buhay na nasawi dahil sa mga maanomalyang flood control projects. Naglunsad din sila ng programa upang ipahayag ang kanilang pagkadismaya at galit sa patuloy na korapsyon at kapabayaan ng estado.