Pagkilos laban sa xenophobia sa Japan, inilunsad
Naglunsad ng pagkilos ang mga aktibista, refugee at migranteng Pilipino at Kurds, kasama ang mga aktibistang Japanese, noong Setyembre 5 sa labas ng National Diet Building of Japan upang tutulan ang polisiyang “Zero Plan,” tumitinding xenophobia, at panawagan ng hustisya para sa mga biktima ng rasismo sa bansa. Umabot sa 300 ang dumalo sa pagkilos, kabilang ang 11 myembro ng National Assembly o lokal na konseho.
Pinangunahan ng Asia Pacific Human Rights Protection Network (NPHR) at Provisional Releases Association of Japan (PRAJ) ang pagkilos habang lumahok ang mga grupong Bayan Japan, Migrante Japan at Japan Campaign for Human Rights in the Philippines (JCHRP), Rumi Jepang, International Migrants Alliance, National Parties Network (NDP), Association of Japan Spouses Seeking Status of Residence for Provisional Release, Kosaten, Association of Provisional Exemptioners, Social Workers Network to Change Immigration Detention Problems (SWIDI), at Protect Refugees Association in Japan.
Ayon sa mga grupo, umiigting ang kultura ng rasismo at xenophobia (walang batayang takot sa mga dayuhan) sa bansa sa tulak ng gubyerno ng Japan. Lumalawak at lumakas ang mga konserbatibo at makakanang pwersang pampulitika na nananawagan ng malawakang deportasyon at tuwirang diskriminasyon sa gaikokujin (tawag sa mga dayuhan).
Noong Mayo, inanunsyo ng Ministry of Justice ang “Zero Illegal Aliens Plan for the Safety and Security of the People” (Zero Plan), isang kumperehensibong plano na naglalayong mapalayas lahat ng “iligal” na naninirahan sa Japan sa 2028. Kabilang sa plano ang mas mahigpit na pre-entry screening para sa mga dayuhan simula 2028 at pitong patakaran para pahigpitin ang kontrol sa imigrasyon sa bansa. Target din ng gubyerno ang nasa 3,000 indibidwal na lumabag sa deportation order, at mga ilang ulit na naghain ng refugee claim. Inaasahang magiging doble ang mapalalayas sa bansa sa loob ng tatlong taon.
Dagdag dito, kinukundena din ng mga grupo ang Immigration and Refugee Act na inamyendahan noong 2023. Anila, may mga patakaran ito na labag sa internasyunal na makataong batas at mga prinsipyong gumagabay sa proteksyon ng mga refugee. Sa ilalim ng batas, maaari nang palayasin sa bansa ang mga nag-aplay ng asaylum nang mahigit sa tatlong beses. Tinanggal din ang taning ng detensyon sa mga pasilidad ng imigrasyon ng mga nag-aaplay na maging refugee sa bansa. May mga ulat na hindi makatao ang kundisyon sa mga naturang pasilidad at walang ring sapat na serbisyon medikal ang mga ito.
Pagdadahilan ng gubyerno ng Japan, ang Zero Plan ay para mapalayas ang mga “mapanganib” na dayuhan na banta sa kaligtasan at seguridad ng bansa. Pinalalabas ng gubyernong Japanese na banta sa seguridad ang mga refugee at migrante,
“Dapat protektahan ang buhay at karapatang-tao ng mga refugee, imigrant at mamamayan ng Japan. Dapat gumawaga ng batas laban sa mga korap na pulitiko sa halip na mga batas laban sa mga migrante,” pahayag ng NPHR.
Ayon sa Bayan-Japan, tikom ang bibig ng embahada ng Pilipinas sa lumalalang xenophobia laban sa mga gaikokujin. “Iniengganyo ng gubyerno ang mga kababayan natin na mag-OFW ngunit hindi naman tinutugunan ang sitwasyong naghihintay sa atin dito at sa iba pang bansa. Para tayong mga tupang isinusubo sa bibig ng leon.”
“Kasabay ng pananawagan sa ating pamahalaan na tiyakin ang kaligtasan ng bawat Pilipino sa ibayong dagat, kailangan din nating tumindig at abutin ang pinakamalawak na pagkakaisa para ipagtanggol ang ating mga sarili sa xenophobia, rasismo at lahat ng porma ng diskriminasyon,” paliwanag ng Bayan Japan.
“Nanawagan kami ng hustisya para sa mga biktima ng paglabag sa karapatan tao at napaslang sa kamay ng Ministry of Justice at immigration detention centers” panawagan ng grupo.
Panawagan ng mga grupo ang pagbasura sa “Zero Plan” at sa Immigration and Refugee Act.
“Sama-sama tayo na ipapatuloy ay laban para sa isang lipunan na ang buhay at dignidad ay may proteksyon at wala ng diskriminasyon” pahayag ng NPHR.