Balita

Pagkurakot ng NTF-Elcac sa pondo ng bayan, kinundena

,

Mariing kinundena ng grupong Gabriela ang nagpapatuloy na pandarambong ng NTF-Elcac sa buwis ng mamamayan. Ito ay matapos malantad ang korapsyon ng task force sa pagdinig sa budget ng Department of Interior and Local Government (DILG) noong Setyembre 8.

Ayon sa ulat, kumontrata ang DILG ng mahigit 700 inhinyero para sa mga proyekto ng NTF-Elcac. Anito, ang malawakang pangongontrata ng mga inhinyero ay naglalantad sa tunay na katangian ng ahensya bilang isang kurap na makinarya ng mga upisyal sa militar at kanilang mga kroni. Idinadaan nila sa mga proyektong imprastruktura sa ilalim ng Barangay Development Program ang pangungulimbat ng bilyun-bilyong piso.

Anito, ang pagkakadawit ng mga engineering brigade ng AFP sa mga kaduda-dudang proyekto ay nagpapatunay na ang NTF-Elcac ay walang iba kundi “pork barrel” ng mga heneral. Tulad ng malawakang korapsyon sa maanomalyang mga flood control project ng rehimeng US-Marcos, karamihan sa mga proyektong imprastraktura ng NTF-Elcac ay hindi nagawa, hindi tapos o inimbento lamang.

Batay sa ulat, wala sa 885 na proyekto ng task force sa barangay para sa taong 2024 ang hindi natapos. Sa kabila nito, bilyun-bilyong pondong pa rin ang nilalaan sa korap na ahensyang ito.

“Kailangan buwagin ang NTF-Elcac, isa lamang itong armas para sa paghahasik ng terorismo ng estado, red-tagging at ngayon, para sa malawakang korapsyon,” paliwanag ng Gabriela.

Nananawagan ang Gabriela na papanagutin ang lahat ng mga upisyal na imbwelto sa malawakang pagkurakot sa pondo ng mamamayan.

AB: Pagkurakot ng NTF-Elcac sa pondo ng bayan, kinundena