Paglabag sa karapatan sa paggawa sa Wipro Cebu, nilalabanan ng mga empleyado
Inireklamo kamakailan ng mga empleyado ng Wipro Philippines sa Cebu ang patung-patong na mga paglabag ng kumpanya sa kanilang karapatan sa paggawa. Katuwang ang BPO Industry Employees Network (BIEN)-Cebu, humarap sila sa mga kinatawan ng kumpanya sa pulong na pinamagitan ng Department of Labor and Employment (DOLE) Region 7 noong Disyembre 1.
Sa dami ng dumalo sa paghaharap, maraming empleyado ng kumpanya ang naiwang nasa labas ng upisina ng DOLE sa Cebu City. Dismayado ang BIEN-Cebu dahil unang nangako ang DOLE Region 7 ng mas malaking lugar na pagpupulungan ngunit hindi sapat ang inihanda nito. Kasabay ng paghaharap, naglunsad ng silent protest ang mga empleyado.
Naitulak ang pulong at paghaharap dahil sa paghahapag ng reklamo ng mga empleyado ng Wipro Cebu at ng BIEN-Cebu noong Nobyembre 26 sa DOLE Region 7. Pangunahing hinaing nila ang hindi makatwirang plano ng Wipro Cebu na ipailalim ang 400 empleyado sa “floating status” simula sa Disyembre 15.
Marami sa mga empleyadong ipaiilalim sa “floating status” ay higit anim na taon nang nagtatrabaho sa kumpanya. Ginamit na pangangatwiran ng kumpanya na ang mga empleyado ito ay “mahina ang perpormans,” kahit pa ang ilan sa kanila ay kabilang sa pinakamasisigasig na empleyado. Pinagkakaitan rin sila ng separation pay.
Maliban dito, iniulat rin ng mga empleyado ang mga kaso ng pagkakait ng mga benepisyo kabilang ang maternity pay, at sapilitang pag-oobertaym nang walang bayad.
Matapos ang pakikipagharap, binatikos ng BIEN-Cebu ang “bad faith” o hindi maayos na pakikipagnegosasyon ng Wipro Cebu sa mga empleyado nito. Pinalalabas ng mga kinatawan ng kumpanya na dumalo sa negosasyon na wala silang kakayahang magdesisyon o mangako sa mga empleyado kahit pa matataas ang pusisyon ng mga ito sa Wipro Philippines. Nagsisinungaling at nag-iiba-iba rin ang pahayag ng mga kinatawan mula sa nauna na nilang ipinangako sa mga empleyado.
“Kinukundena namin ang kawalang sinseridad ng maneydsment sa pakikipagdayalogo,” pahayag ng BIEN-Cebu. Anito, dapat nang tigilan ng kumpanya ang paulit-ulit na panlilinlang sa mga empleyado nito.
Noong Nobyembre, nalantad ang kontra manggagawang mga batakaran ng mga kumpanya ng BPO matapos patuloy na pagtrabahuin ang mga empleyado nito kahit pa nilindol at tinamaan ng malalakas na bagyo at baha ang Cebu. Mula noon ay tuluy-tuloy ang natatanggap na mga ulat ng BIEN-Cebu sa iba pang mga paglabag sa karapatan sa paggawa sa industriya ng BPO.
Ayon sa BIEN-Cebu, handa itong tumindig kasama ang mga empleyado ng BPO sa pagsusulong ng mas maayos na kalagayan sa paggawa sa industriya. “Nananawaagan kami sa mga empleyado sa BPO na magsalita laban sa inhustisya, pagkakait ng mga karapatan, at magsama-sama at kolektibong makibaka para sa ating kagalingan,” anang grupo.