Balita

Paglalayag ng USS Carl Vinson sa pagitan ng Leyte at Mindanao, dapat tuligsain—PKP

,

Nanawagan ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa sambayanang Pilipino na mariing tuligsain ang paglalayag noong Disyembre 26 ng US Carrier Strike Group (CSG) One sa Surigao Strait sa pagitan ng Leyte at Mindanao. Ayon kay Marco Valbuena, upisyal sa impormasyon ng Partido, garapal ang ginawang pagtawid nito sa soberanong karagatang sakop ng Pilipinas mula Pasipiko patungong West Philippine Sea.

Ang pormasyong nabal ng US, na pinangungunahan ng USS Carl Vinson aircraft carrier, ay isang halimaw panggera na may kakayahang magdala ng isang malaking nukleyar na arsenal. Dala nito ang isang pangkat ng mga barkong pandigma kabilang ang USS William P. Lawrence (DDG 110), USS Sterett (DDG 104), at USS Princeton (CG 59).

Hindi ito ang unang pagkakataon na dumaan at dumaong ang CSG 1 sa Pilipinas ngayong taon. Noong Enero 5, ang CSG 1 ay dumaong sa Maynila para sa isang pagbisita, bilang bahagi ng mga operasyong militar ng US at Pilipinas. Ang mga tauhan mula sa CSG-1 ay nakilahok sa mga “kultural na palitan” at mga aktibidad sa Maynila sa panahon iyon.

Bago nito, kasama ang CSG 1 sa ikalawang serye ng maritime cooperative activity (MCA) ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng United States Indo-Pacific Command (USINDOPACOM) sa West Philippine Sea noong Enero 3-4. Ang mga maniobrang pandagat at war games na ito ay bahagi ng mas malawak na pang-uupat ng imperyalismong US ng gera at pagpapainit ng tensyon sa katunggaling imperyalistang bansang China.

“Ang pagpapamalas ng dambuhalang lakas militar ay isang malaking paglapastangan sa dignidad at damdamin ng mga Pilipinong nagmamahal sa kalayaan. Sinagasaan nito ang soberanya ng bansa, na lalong nagpababa sa katayuan nito bilang isang neokolonya ng imperyalismong US,” pahayag ni Valbuena.

Liban sa direktang presensya sa soberanong karagatan at teritoryo ng Pilipinas, ang CSG 1 ay nagpaikot-ikot sa mga bansa at katubigan sa Indo-Pacific bilang bahagi ng kampanya kontra China. Sunud-sunod ang mga “pagpapatrulya” nito kasama ang mga neokolonya at mga bansang sunud-sunuran dito.

Ayon kay Valbuena, sukdulan ang pagpapakatuta ni Marcos sa imperyalistang among US sa pakikipagsabwatan sa paglapastangan sa soberanya ng Pilipinas. “Ipinakikita nito kung paanong ginagamit ang bansa bilang isang lunsaran ng mga operasyon ng US sa pagpapakita ng lakas sa Pasipiko at bilang tau-tauhan sa ginagawa ng US na pagpapatindi ng inter-imperyalistang tensyon,” aniya.

Bahagi lamang ang CSG 1 ng mas malawak pang arsenal pandigma, base militar at mga war games at aktibidad ng US sa kalupaan, katubigan at himpapawid ng Pilipinas. Mula Enero hanggang Agosto ngayong taon, halos kada dalawang araw ay mayroong inilulunsad na war games ang mga pwersang militar ng US sa bansa. Naitala ang mga war games na ito sa loob ng hindi bababa sa 105 sa 244 araw, kung saan pinakamatagal at walang-patlang mula Abril 7 hanggang Hunyo 21 (76 araw).

Nakatambay ngayon ang naturang kulumpon ng mga barkong panggera sa Balabac Strait, malapit sa Palawan.

AB: Paglalayag ng USS Carl Vinson sa pagitan ng Leyte at Mindanao, dapat tuligsain—PKP