Pagmamanman sa lider-unyon sa Technol Eight Philippines, kinundena
Kinundena ng Technol Eight Philippines Workers Union (TEPWU)-OLALIA-KMU at Karapatan-Laguna ang ginagawang pagmamanman kay Mario Fernandez, lider ng TEPWU, noong Marso 9. Nakita na may kahina-hinalang mga indibidwal na sakay ng motorsiklo na sumusunod kay Fernandez. Hinala ng unyon, ang panggigipit na ito ay kaugnay ng nalalapit na pakikipagnegosasyon nila sa maneydsment ng kumpanya para sa panibagong Collective Bargaining Agreement (CBA).
“Ang…intimidasyon at harasment sa mga lider-unyonista ay malinaw na paglabag sa karapatang-tao,” pahayag ng Karapatan-Laguna. Naniniwala rin ang grupo na posibleng pakana ito ng sabwatan ng kapitalista ng Technol Eight Philippines at ng National Task Force-Elcac, na bantog sa mga kaso ng pagbabahay-bahay at panggigipit sa mga unyonista sa prubinsya.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nakaranas ng sarbeylans at iba pang panggigipit si Fernandez. Sa kasagsagan ng negosasyon para sa kanilang CBA noong 2022, nakatanggap rin siya ng pagbabanta sa kanyang buhay.
Sa panahong ito, hinarap ng unyon ang napakatagal at paulit-ulit na negosasyon sa maneydsment para sa CBA dahil nagmatigas ang kumpanya sa pagbibigay ng benepisyo sa mga manggagawa. Tumagal ito nang ilang buwan at 16 na beses na nagharap sa antas-planta na usapan hanggang humantong sa paghaharap sa National Conciliation and Mediation Board (NCMB).
“Nakikiisa kami kay Fernandez, sa TEPWU, at lahat ng mga unyonista na kumahaharap sa katulad na mga pagbabanta at pag-atake,” dagdag ng Karapatan-Laguna. Giit nila na dapat nang ihinto at labanan ang ganitong taktika ng pagtarget sa mga unyonista.
Ang kumpanyang Technol Eight ay gumagawa ng body shell para sa mga sasakyang Innova at Vios.