Balita

Pagmimina ng blacksand sa Leyte, nilalabanan ng mga residente

,

Nagpahayag ng pagtutol ang mga residente ng MacArthur, Leyte laban sa operasyon at pagmimina ng blacksand ng Mac-Arthur Ironsand Project Corporation (MIPC) sa kanilang bayan. Sama-samang nagtirik ng kandila ang mahigit 200 residente ng apat na barangay sa bayan para ipahayag ang pagtutol sa proyekto noong Pebrero 7.

Ang MIPC ay nag-oopereyt bilang kontraktor ng Strong Built Development Corporation (SBDC). Noong 2007, ginawaran ng Mines and Geosciences Bureau (MGB)-Region 8 ang SBDC ng 25-taong Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) saklaw ang 7,411 ektaryang lupa sa mga bayan ng Dulag, Mayorga, MacArthur, Javier at Abuyog.

Noong 2024, binili ang SBDC ng Bright Kindle Resources & Investments Inc, kumpanyang pagmamay-ari ni Leyte 1st district representative at dating house speaker Martin Romualdez, pinsan ni Pang. Ferdinand Marcos. Para simulan ang pagmimina sa MacArthur, dumaong sa bayan ang isang dambuhalang barkong pangmina ng MIPC noong Enero ngayong taon.

Nakuhaan mismo ng larawan at inilabas sa Facebook ng mga residente ang pagpasok ng barko sa Barangay Maya. Ayon sa mga residente, inaasahang ililipat ang barko para tuluyang simulan ang malawakang paghahakot ng blacksand sa kanilang barangay.

Tutol sila sa operasyon dahil sisirain ng pagmimina ang kanilang lupang sakahan at mga sistemang patubig na kritikal sa produksyon ng pagkain. May mga ulat na rin na pinagbabawalan ang ilang magsasaka na makapasok sa sarili nilang lupa. Noong 2022, natulak na ng pagkakaisa ng mga residente ang pansamantalang pagpapatigil sa operasyon ng MIPC-SBDC matapos masira ang isang kanal sa komunidad.

Nagpahayag ng suporta sa mga komunidad ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Eastern Visayas. Anang grupo, ang pagkakaroon ng permit mula sa gubyerno ay hindi kailanman sapat na dahilan upang isantabi ang kapakanan ng mamamayan. “Hindi dapat manaig ang interes ng malalaking kumpanya kaysa sa buhay, kabuhayan, at kaligtasan ng komunidad,” anito.

Nangangamba ang grupo na kung magpapatuloy ang blacksand mining sa McArthur at sa iba pang bahagi ng prubinsya ay tiyak na magdudulot ito ng mas matinding pagkasira ng kalikasan, pagkawala ng kabuhayan, at panganib. Madalas ang banta ng pagbaha, pagguho ng lupa, at pagkalubog ng mga sakahan at kabahayan sa rehiyon laluna at karaniwan itong dinadaanan ng mga bagyo.

“Hinihikayat namin ang mga mamamayan ng Eastern Visayas na magkaisa upang pigilan ang pandarambong at pang-aabuso sa ating kalikasan—hindi lamang sa McArthur kundi sa buong rehiyon,” panawagan ng grupo.

Samantala, natulak nang magsalita ang mga lokal na upisyal ng bayan laban sa operasyong mina noong Pebrero 15. Mayroon nang nagsulong ng pansamantalang pagpapatigil sa pagmimina ng blackand at magsagawa ng komprehensibong rebyu sa pagsunod ng MIPC-SBDC sa mga kinakailangang rekisto at alituntunin.

Pinagpugayan ng National Democratic Front-EV ang pagtindig at pakikibaka ngayon ng mga residente ng MacArthur laban sa pagmimina. “Ito ay pagpapatuloy ng dekada nang pakikibaka ng mga magsasakang residente laban sa mapanirang mina na nagdudulot ng di-mababawing pinsala sa kanilang mga sakahan, hanapbuhay at komunidad,” ayon kay Ka Celine Manlimbasog, tagapagsalita ng grupo.

Hindi na bago sa mga residente ng MacArthur ang paglaban sa pagminina ng blacksand sa kanilang bayan. Noong 2012, nagbarikada ang mga taga-Barangay Villa Imelda at Barangay Liwayway laban sa Nicua Mining Corporation, isang kumpanyang nagmimina at nag-eeksport ng blacksand patungo sa China.

Nag-opereyt ang kumpanya sa ekta-ektaryang palayan kung saan pumapagitna ang Lake Bito na pinagkukunan ng hanapbuhay ng mga magsasaka at mangingisda. Dahil sa pagmimina, natipon sa lawa ang langis at iba pang nakalalasong kemikal mula sa minahan. Ilang beses ding namatay ang tone-toneladang isda at iba pang yamang-tubig sa lawa.

Ayon kay Manlimbasog, ang mga ito ay patunay na sa matagal na panahon ay hinayaan ng mga papet na rehimen na dambungin ng mga lokal at dayuhang kapitalista ang likas-yaman ng bansa. Hinimok niya ang masang Pilipino na magkaisa at ipaglaban ang isang tunay na Pilipinong industriya ng mina na nasa balangkas ng programa para sa pambansang industriyalisasyon at tunay na repormang agraryo, kung saan ang likas-yaman ng bansa ay pinauunlad at pinagsisilbi sa pangangailangan ng mamamayan at hindi pumipinsala sa kanila.

AB: Pagmimina ng blacksand sa Leyte, nilalabanan ng mga residente