Pagpapahintulot sa 99-taong pag-upa ng mga dayuhan sa lupa, kontra-magsasaka at kontra-kaunlaran
Binatikos ng mga progresibong partido ang panukalang nagpapahintulot ng pag-aari ng mga dayuhan mamumuhunan ng lupa sa Pilipinas mula 50 taon tungong 99 taon. Ipinasa ang panukala (House Bill No. 10755) noong Disyembre 16 sa botong 175 na pabor, tatlong tutol at dalawang abstention. Mula sa blokeng Makabayan ang tatlong tumututol. Ipinasa ang katumbas na panukala sa Senado (Senate Bill No. 2898) sa parehong araw. Liban sa pagpapalawig ng upa sa lupa, pahihintulutan din ang mga dayuhan mamumuhunan na ipaupa ito sa iba pang dayuhan o lokal na mamumuhunan o i-sub-lease.
“Ang panukalang ito ay magpapalawig sa pahihintulutang pag-upa ng mga dayuhag mamumuhunan mula 75 taon tungong 99 taon, na ngayon ay sasaklaw na rin sa mga lupang agrikultural at ari-arian ng estado…malinaw na ipinapakita nito na ang kasalukuyan nating gubyerno ay patuloy na nagpaprayoritisa sa dayuhan at malalaking negosyo at korporasyon, at hindi sa ating mga magsasaka at manggagawa,” ayon kay Rep. Arlene Brosas ng Gabriela Women’s Party na isa sa mga tumutol sa panukala.
Aniya, katumbas ang pagpapalawig ng ilang henerasyong pagpapaupa sa lupa, mas mahaba sa internasyunal na life expectancy na 73 taon. Labag ito sa mga probisyon sa 1987 Konstitusyon na nagbabawal sa pag-aari ng lupa ng mga dayuhan. Sinaklaw ng panukala maging ang mga lupang agrikultural na nasa kamay ng mga benepisyaryo.
“Sa likod ng legalismo at teknikalidad, malinaw sa atin na sa esensya at praktika, magbibigay-daan ang panukalang batas na ito para sa malaya at monopolisadong paggamit at pagkontrol ng mga dayuhan sa ating lupain sa napakahabang panahon,” ayon kay Brosas. “Sa papel, umuupa ka lang, pero may karapatan kang gamitin, kontrolin, at ngayon ay paupahan na rin ang lupa ng Pilipinas sa loob ng 99 taon.”
Aniya, pinakadehado ang mga magsasaka sa ilalim ng kaayusang ito. “Kita na natin ito sa Pilipinas — ang malawakang pang-aagaw sa lupa, harasment at pagpapalayas sa mga magsasaka at benepisyaryo ng repormang agraryo.”
Hindi ito magbubunga sa kaunlaran sa ekonomya, aniya.
“Naniniwala ang kinatawang ito na ang tanging paraan para ibunsod ang tunay at makamamamayang kaunlaran ay sa pamamagitan ng pagpapatupad ng tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon sa bansa para isakatuparan ang isang nagsasarili at independyenteng pambansang ekonomiya na epektibong kontrolado ng mga Pilipino,” pahayag ni Brosas sa kanyang talumpati sa Kongreso na nagpapaliwanag sa kanyang botong “NO.’