Pagpapalaya sa 7 residenteng inaresto sa demolisyon sa Quezon City, ipinanawagan
Nanawagan ang Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa lokal na gubyerno at mga pulis ng Quezon City na agarang palayain ang pitong maralita at residente ng NIA Road sa Barangay Pinyahan, Quezon City na inaresto noong Abril 9. Marahas silang inaresto ng mga pulis sa kasagsagan ng rali at kanilang pagdepensa sa mga bahay laban sa demolisyon.
Isinagawa ng lokal na gubyerno ang demolisyon sa mga natitirang bahay at istruktura na tinukoy nitong delikado matapos ang magkakasunod na sunog. Pinakahuli sa mga sunog na ito ay naganap noong Marso 6. Sa tabing ng “clearing operations,” giniba ang mga bahay para bigyang daan ang pagtatayo ng pampublikong “vertical housing” ng lokal na gubyerno.
“Ang marahas na aksyong ito ay naganap sa kabila ng katotohanang kamakailan lamang ay tinamaan ng malawakang sunog ang lugar,” ayon sa Kadamay. Anang grupo, hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa lubusang nakakabangon ang mga residente mula sa sakuna.
Ayon sa mga residente, walang malinaw na paliwanag at abiso sa kanila ang lokal na gubyernkaugnay ng demolisyon. Binatiikos nila ang kawalan ng komprehensibong programa para sa relokasyon at suporta sa mga maralitang pamilya at kanilang kabuhayan.
Marami sa mga nasunugan ay nananatiling walang maayos na tirahan at napipilitang magtayo ng pansamantalang mga tolda sa gilid ng kalsada. Ayon sa Kadamay, walang agarang tulong na ibinigay sa mga residente at sa halip ay kakarampot na subsidyo para sa renta na halagang ₱36,000 ang ipamamahagi sa darating pang Abril 18.
Anang grupo, lalong pinalala ang sitwasyon ng hindi pagtupad ng lokal na pamahalaan sa pangakong pagtatayo ng maayos na staging area para sa mga residente. Kasabay nito, naiulat rin ang sapilitang pagpapaalis sa mga nasunugan mula sa evacuation centers sa kabila ng kawalan ng malilipatan at relokasyon.
“Sa harap ng mga paglabag na ito, kinakailangang papanagutin ang Lokal na Pamahalaan ng Quezon City, kasama ang National Housing Authority at Department of Human Settlements and Urban Development, sa kanilang papel sa ilegal na demolisyon, marahas na clearing operation, at walang batayang pag-aresto sa mga residente,” pahayag ng Kadamay.
Nanawagan ang Kadamay sa mga Pilipino at ibang grupo na suportahan ang mga residente ng NIA Road sa kanilang laban para sa karapatan sa paninirahan. “Dapat itigil ang planong tuluyang paggiba sa mga istruktura sa komunidad at huwag paalisin ang mga residente hangga’t wala pang malinaw, maayos, at makataong relokasyon,” anito.
“Makatarungan ang pagbarikada ng mga residente ng NIA Road. Ito ay isang lehitimong anyo ng pagtatanggol sa kanilang karapatan,” pahayag ng Kadamay.
Iligal ang pag-aresto
Sinampahan ng mga kasong direct assault, resistance and disobedience, at obstruction of justice ang mga inaresto ng pulis. Tumatayong abugado ng pito ang mga myembro ng Public Interest Law Center (PILC)-Philippines. Ipinailalim sa inquest ang mga inaresto noong Abril 11.
Ayon sa grupo, ang simpleng presensya ng pito sa naganap na kaguluhan ay hindi makatitindig bilang sapat na batayan para sa pag-aresto o maging para sa mga kasong kinahaharap nila. “Maliban sa wala namang basehan at makasariling testimonya ng mga pulis, na binubuo lamang ng mga kinopyang sinumpaang salaysay na naglalaman ng mga pangkalahatang paratang, walang ebidensya na ginawa nila ang alinman sa mga akusasyong ibinabato sa kanila,” anang PILC.
Dagdag ng grupo, kahit ang isinumiteng mga larawan para maging batayan ng kaso ay bigong magamit para kilalanin ang mga inaresto. “Laluna dahil ipinakikita ng mga ito ang bulto ng mga taong nakatayo lamang, kung saan marami sa kanila ay nakatingin palayo sa kamera,” ayon sa PILC. Sadyang ispekulatibo ang mga kasong isinampa, anang grupo.
Dagdag pa ng PILC, dapat ring pansinin na ang pag-aresto at karahasan ay naganap sa gitna ng napakatinding krisis sa ekonomya sa bansa. “Ang mga komunidad na ito ay sa halip ipiniaiilalim sa higit pang paghihirap sa pamamagitan ng hindi makatarungang mga demolisyon at nagpapatuloy na kabiguang tiyakin ang makatao at nakasasapat na pabahay,” ayon sa grupo.