Pagbasura ng ICC sa apela para sa interim release ni Duterte, ikinasiya ng mga pamilya ng mga biktima ng “drug war”
Muling nabigo ang mga abugado ni Rodrido Duterte na pansamantala siyang palayain mula sa detensyon ng International Criminal Court (ICC). Noong Nobyembre 28, ibinasura ng korte ang kanilang apela para irebyu ang nauna nang desisyon na tumanggi sa petisyon para sa kanyang interim release o pansamantalang paglaya.
Sa madaling salita, walang nakitang batayan ang korte para baligtarin ang una nitong desisyon. Anito, nananatiling malaki ang posibilidad na hindi siya haharap sa korte sakaling palabasin siya sa kulungan. Nananatili siyang makapangyarihan sa pulitika sa Pilipinas at may rekurso ang kanyang pamilya kaya mataas ang tsansa na makatakas siya. May kasaysayan din si Duterte na hadlangan ang mga imbestigasyon sa kanyang mga krimen kaya malaki ang posibilidad na makikialam siya sa proseso.
“Nagpapasalamat kami sa Appeals Chamber sa pakikinig sa aming panaghoy para sa hustisya. Dapat manatili sa kulungan si Duterte habang dinidinig ang kaso laban sa kanya,” pahayag ni Nay Llore, isa sa mga ina ng puu-puong pinaslang sa huwad na gera kontra-droga ni Duterte, at myembro ng grupong Rise Up for Life and for Rights.
Ikinagalak din ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) ang desisyon.
“Ang pagkukulong kay Duterte ay krusyal para maramdaman ng mga biktima at saksi na ligtas sila,” ayon sa NUPL. “(P)agtitiyak ito (pagkukulong) na hindi magiging madali para sa kanya na manakot ng mga tao, makialam sa ebidensya o manggulo sa proseso.”
“Ngayon ngang nakakulong siya ay patuloy ang harassment na nararanasan namin at ng aming mga taga-suporta mula sa DDS supporters,” ayon kay Nanay Dahlia. “Nagpapakalat sila ng mga pekeng impormasyon, binabansagan kaming sinungaling, pamilya ng mga adik at kung anu-ano pang masasakit na salita. Gusto nilang tumigil kami sa paggigiit ng hustiya.”
Naghihintay pa ang mga pamilya ng biktima at kanilang mga abugado sa desisyon ng ICC sa apela ng mga abugado ni Duterte kaugnay sa hurisdiksyon ng korte sa kanyang mga kasong kriminal laban sa sangkatauhan. Hinihintay din ang deklarasyon ng korte, alinsunod sa payo ng mga independyenteng mga duktor at eksperto, na “fit to stand trial” si Duterte.
Gaano man katagal abutin ang pagdinig sa kaso, nangako ang mga pamilya at kanilang mga abugado na mananatili silang matatag hanggang makamit ang hustisya.
“Magsa-sampung taon na kaming humihiyaw ng hustisya pero hindi kami mapapagod para sa aming mga mahal sa buhay. Dapat mapanagot si Duterte at mga kasapakat niya sa kanilang mga krimen,” pahayag ng mga nanay ng Rise Up for Life and for Rights.