Balita

Pagpapaputok ng US ng Tomahawk missile mula sa Tacloban, nagsapanganib sa mga Pilipino

Mahigpit na kinundena ng National Democratic Front-Eastern Visayas ang pagpapaputok ng US ng isang Tomahawk missile mula sa Tacloban City. Isinagawa ang kauna-unahang live-fire launch ng isang US Tomahawk Land Attack Missile mula sa ground-based Typhon system lagpas hatinggabi noong Mayo 5, mula sa Daniel Z. Romualdez (Tacloban) Airport. Lumipad ito nang humigit-kumulang 630 kilometro bago tumama sa isang target sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija.

“Ito ay isang lantarang paglapastangan sa pambansang soberanya ng Pilipinas, naglalagay sa malaking panganib sa mga karatig na komunidad ng mga sibilyan, at naglalayong manulsol ng hayagang imperyalistang digmaan na magdudulot ng matinding pinsala sa karaniwang mamamayan,” ayon kay Celine Manlimbasog, tagapagsalita ng National Democratic Front-Eastern Visayas.

Tinawag niyang mga traydor sina Ferdinand Marcos Jr at ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagpapahintulot sa US na gamitin ang Tacloban at ipwesto dito ang Typhon missile system.

“Nagbulag-bulagan sila sa anumang pinsalang maaaring idulot sa mga sibilyan malapit sa paliparan ng Tacloban, sa Laur, at sa iba pang dako ng bansa kung sakaling pumalya ang paglulunsad nito,” aniya. “Nagbubunyi pa sila sa ‘matagumpay na pagpaputok ng missile’ sa halip na kilabutan sa pagkawasak na maaaring idulot ng naturang pagsabog.”

Kinundena rin ni Manlimbasog ang pagbabawal sa mga mangingisda sa Samar at Leyte na pumalaot sa mga baybayin ng San Pedro Bay mula Mayo 5 hanggang 7 para bigyang-daan ang operasyon ng US. Aniya, lalo itong nagpatindi sa kanilang dinaranas na kahirapan sa gitna ng krisis sa ekonomya.

Kinundena rin ng mga makabayang organisasyon at kongresista ang pagpapalipad at pagpapaputok ng US ng isang Tomahawk missile mula sa sibilyang paliparan ng Tacloban City. Tinawag rin ito ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at ng Makabayan bloc sa Kongreso bilang isang “panganib” sa buhay ng mga Pilipino at tahasang paglabag sa pambansang soberanya.

Isa itong “kawalang kahihiyan at mapanulsol na operasyon,” ayon kay Renato Reyes, pangulo ng Bayan. Aniya, mga katulad na Tomahawk missile ang “ginamit (ng US) sa mga krimen sa digma nito sa Iran at Gaza.

“Pinapayagan ng gubyerno ng Pilipinas ang US na gawing target practice ang ating teritoryo,” anang Reyes. “Hindi tayo playground ng isang superpower.”

Malinaw na itinuturing ng US ang Pilipinas bilang “forward launching platform” ng US ang Pilipinas para sa kapangyarihang militar nito laban sa pangunahing karibal nito sa Asia, ang China, ayon kay Reyes.

Nagbabala ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na ang pagpapaputok ng isang long-range cruise missile ay hudyat din ng mapanganib na pagpapabilis at bahagi ng mas malawak na paghahanda sa digma ng US sa Asia-Pacific, sa gitna ng tumitinding tensyon sa South China Sea.

“Ang mga komunidad sa kanayunan ang papasan sa bigat ng militarisasyong ito. Ang mga magsasaka ang unang magdurusa dahil ang kanilang mga lupa at kabuhayan ay magiging collateral damage sa mga digmaang hindi naman nagsisilbi sa sambayanang Pilipino,” pahayag ni Ronnie Manalo, ang pangkalahatang kalihim ng KMP.

Nanawagan ang grupo para sa agarang pagtatanggal sa bansa ng mga armas tulad ng Typhon, NMESIS, HIMARS, at mga misyal na Tomahawk na “direktang nagsasapanganib sa ating mga komunidad at nagpapahina sa ating pambansang seguridad.”

Kinundena rin ng mga makabayang kongresista ang pagpapalipad ng Tomahawak, at ang paggamit ng US ng sibilyang paliparan para rito. Inilarawan ni Rep. Antonio Tinio ng ACT Teachers Partylist ang paglulunsad bilang isang “mapanganib na pasimula” na ginagawang normal ang paggamit ng mga pampublikong pasilidad para sa paghahanda sa digmaan.

“Hindi ito isang ordinaryong pagsasanay; ito ay live-fire testing ng isang opensibong sistema ng armas sa lupa ng Pilipinas,” aniya. Babala niya na ang pagdaan nito sa matataong lugar ay “naglalagay sa panganib sa mga ordinaryong Pilipino at ginagawang target ang ating bansa sa anumang tunggalian.” Iginiit niya na dapat malaman ng mga Pilipino ang mga kasunduang pinasok ng rehimeng Marcos na nagpapahintulot sa mga pwersa ng US na malayang kumilos nang may impyunidad o kawalang pananagutan sa labas ng mga itinakdang EDCA site.

Nanawagan naman si Rep. Sarah Elago ng Gabriela Women’s Partylist para sa isang “independiyenteng imbestigasyon” sa proseso ng pag-aapruba ng mga aktibidad ng US sa bansa. Karamihan sa mga aktibidad militar ng US sa Pilipinas ay “discreet” o inililingid sa publiko o di kaya’y saka na lamang pinapaalam kung tapos na ang pag-ensayo.

AB: Pagpapaputok ng US ng Tomahawk missile mula sa Tacloban, nagsapanganib sa mga Pilipino