Balita

Pagpapatapos ng Damiana Bridge sa Batangas, naigiit ng mga magsasaka

,

Matagumpay na naigiit ng mga residente ng Barangay Coral ni Lopez at mga myembro ng SUGAR, Gabriela Women’s Party at Alyansa ng mga Magbubukid para sa Kumpensasyon (AMK) ang kanilang panawagan na tapusin na ang Damiana Bridge noong Oktubre 1 . Pagkatapos ng protesta ng mamamayan, kinabukasan, ay dumating ang mga materyales at nadagdagan ang mga taong nagtatarabaho sa tulay.

Ilan taon nang dinadaing ng libu-libong mga magsasaka ang hirap sa pagbyahe papunta sa bayan at dagdag na gastos sa krudo ng trak para sa maghahakot ng mga tubo dahil sa hindi matapus-tapos na tulay na R.C. Bridge sa ilog ng Damiana sa Calaca City, Batangas

Ang R.C. Bridge sa Calaca ay nasa pagitan ng Barangay Calantas at Coral ni Lopez. Sinimulan ito noong 2023 sa ilalim ng pamamahala ng unang distrito ng Engineering Office ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na may pondong ₱24.75 milyon at sa pangangasiwa ng KCE Nishimura Construction. Noong 2025, nagpalit ito kontraktor at napailalim na sa A.C. Rivero Construction Firm na may kontratang ₱17 milyon. Ayon sa website ng DPWH, “completed” na noong 2024 ngunit ngayong 2025 ay nasa “25% completed” pa lamang ang Phase 2. Hindi malinaw kung ano ang Phase 1 at bakit may paunang ulat na “completed” na ang proyekto.

Ayon sa Sugarfolks’ Unity for Genuine Agricultural Reform (SUGAR)-Batangas, malinaw na batbat ng korapsyon ang tulay. Matatandaang noong Agosto ay ibinunyag ni Leandro Leviste, kinatawan ng Batangas, si Abelardo Calalo na mula sa Engineering Office ng unang distrito ng DPWH na nag-aalok sa kanya kickback.

Matinding pasakit sa mga magsasaka ang kawalan ng tulay dahil kailangan pa nilang umikot para makapunta sa bayan. Gumagastos din sila ng P500 para sa pag-arkila ng traysikel tuwing babyahe. Ngayong paparating ang ‘ilohan’ o panahon ng paggiling ng mga tubo, papasanin na naman ng mga magtutubo ang dagdag ₱1,500 na gastos sa krudo ng trak na hahakot ng tubo mula sa dalawang barangay.

“Mababa na nga ang ibinabayad sa asukal ng mga asukarera, hindi pa sila nabibigyan ng production subsidy at kumpensasyon sa tuwing may nasasalantang tubuhan. Dagdag pa itong tulay na ito sa pasan-pasan na problema ng mga plantador at manggagawang-bukid sa tubuhan,” paliwanag ng grupo.

“Tiyak na marami pang mga ghost project at substandard na proyekto ang DPWH sa Batangas kasabwat ng nga kontraktor at ilang mga taong-gubyerno. Hindi tayo dapat huminto sa ating pagiingay para bigyang katugunan sa mabilis na panahon ang pagaayos ng nga kalsada, tulay at mga flood control project,” pahayag ng grupo.

AB: Pagpapatapos ng Damiana Bridge sa Batangas, naigiit ng mga magsasaka