Balita

Pagpapatigil ng Pilipinas sa sistemang “au pair” sa Netherlands, pagtakas sa pananagutan sa mga migranteng Pilipino

,

Kinundena ng Gabriela-Pinay sa Holland at Migrante Netherlands and desisyon ng embahada ng Pilipinas na basta-bastang itigil ang pag-apruba ng kontrata ng mga Pilipino na nais magtrabaho bilang “au pair” sa Netherlands simula Hulyo 1. Anila, sa halip na ipaglaban ng gubyerno ang mas matibay na proteksyon para sa mga au pair ay tuluyang pagsara ng akses para sa mga migranteng manggagawa ang kanilang ipinatupad.

Ang au pair ay katawagan sa isang kabataang babae o lalaki na nasa edad 18 hanggang 30, na nagsisilbi bilang taga-alaga ng bata (yaya) sa isang kukupkop na pamilya sa ibang bansa. Umiiral ang kaayusang ito sa Europe at US. Sa kasalukuyan, nasa 2,000 ang nasa ilalim ng sistemang au pair sa Netherlands, kung saan 36% ay mga Pilipino.

Kapalit ng serbisyo ng mga au pair ay libreng tirahan, pagkain at alawans sa dayuhang bansa. Tinatawag itong “cultural exchange program” kung saan maaaring matuto ang isang au pair ng bagong kultura at mahasa sa dayuhang wika.

Sa tabing ng “palitan ng kultura,” kalakhan sa mga au pair ay gumagampan ng mabibigat na gawain sa bahay at pag-aalaga sa ilalim ng di makataong mga kundisyon sa paggawa tulad ng labis na pagpapatrabaho, kulang na sahod, pag-iisa at pagiging bulnerable sa pang-aabuso. Ayon sa Migrante Netherlands, maraming Pilipinang au pair na biktima ng pang-aabuso ang lumapit sa grupo sa mga nakalipas na taon.

Dahil sa kalagayan at absolutong nakasalalay sa pamilyang kumukupkop, nagiging bulnerable ang mga au pair sa pang-aabuso at panlilinlang. Karamihan sa kanila ay nagtitiis sa pang-aabuso dahil sa takot na mapalayas sa bansa.

Sa desisyon ng embahada ng Pilipinas na itigil ang sistemang au pair, ipinahayag ng Gabriela-Pinay sa Holland na bigong harapin ng embahada ang reyalidad na ito ay malalim na nakaugat sa pandaigdigang pagsasamantala sa paggawa ng kababaihan at mga lahing minoridad. Nakaasa sa murang lakas-paggawa ng mga migrante ang mga pamilya sa mayayamang bansa para maitaguyod ang kanilang buhay-ekonomya.

Proteksyon at kagalingan ng mga au pair

Maraming pamilyang Dutch ang umaasa sa sistemang au pair para sa pangangasiwa sa kanilang mga bahay at suporta sa pag-aalaga ng bata sa murang halaga. Ito ay dahil natutulak ang mga mag-asawa sa Netherlands na parehong magtrabaho upang madagdagan ang kita sa harap ng krisis sa ekonomya.

Dahil nagtatrabaho ng tunay at mahalagang gawaing bahay, dapat matiyak na magkaroon ang mga au pair ng nakabubuhay na sahod at makabuluhang proteksyon sa paggawa. Ayon sa Gabriela-Pinay sa Holland at Migrante Netherlands, dapat igiit ng gubyernong Pilipino kanilang mga karapatan at kagalingan sa gubyerno ng Netherlands.

Kabilang dito ang pagtitiyak na may mekanismo para sa pag-uulat ng reklamo at sistema ng pagsuporta para sa mga naabusong manggagawa, pagpapanagot sa mga ahensya at kumukupkop na pamilya na nang-aabuso.

“Ang mga Pilipinong kababaihan ay hindi kalakal na pang-eksport.” pahayag ng Gabriela-Pinay sa Holland. Anito, ang kailangan ng kababaihang migranteng Pilipino ay dignidad, katarungan, karapatan sa paggawa, at karapatang lumipat nang ligtas.

Nanawagan ang Migrante Netherlands sa gubyernong Dutch na seryosong pag-aralan ang sistemang au pair. Ayon sa grupo, hindi na dapat manatiling nasa alanganing kalagayan ang mga au pair sa pagitan ng trabahong pag-aalaga at “cultural exchange” na naglalagay sa kanila sa bulberableng sitwasyon na madaling mapagsamantalahan.

Lagpas sa kritisismo ng dalawang grupo sa sistemang au pair, itinutulak nito ang pagtugon ng gubyerno ng Pilipnas sa kawalang ng trabaho sa bansa, mababang sahod, kawalan ng lupang sinasaka, at kawalan ng tunay na industriyal na pag-unlad. Ito umano ang mga dahilang kung bakit natutulak ang mga Pilipino na maghanap ng trabaho sa ibang bansa sa ilalim ng mapanganib na kalagayan.

AB: Pagpapatigil ng Pilipinas sa sistemang “au pair” sa Netherlands, pagtakas sa pananagutan sa mga migranteng Pilipino