Pagpaslang ng AFP sa Kabankalan 7, pinaiimbestigahan ng grupo sa karapatang-tao
Nanawagan ng imbestigasyon ang Kapatid, grupo ng kamag-anak at tagasuporta ng mga bilanggong pulitikal, sa pagpaslang ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pitong mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Negros Island noong Abril 27 sa Barangay Tapi, Kabankalan City, Negros Occidental. Tinutulak nila ang imbestigasyon dahil duda sila kung “tunay nga bang engkwentrong militar ang nangyari o tahasang pagpaslang.”
Ang pitong napaslang na mga Pulang mandirgima ay sina Reniel Locsin Cellon (Ka Randy), Mary Jane Magquilat (Ka Shonie), Charity Amacan (Ka Mayang), Johnrey Mejares (Ka Jai), Glenda Tinio Mejares (Ka Glendyl), Ka Pitong, at Dee Supelanas (Ka Dahlia). Si Supelanas ay dating lider estudyante ng University of the Philippines (UP)-Cebu. Tatlo sa mga martir ay mga senior citizen at mayroong kundisyong medikal na dahilan ng kanilang kahirapan na makakilos.
Ayon sa Kapatid, nakapagtataka na wala man lamang ni isang nakaligtas mula sa pitong Pulang mandirigma. Dagdag ng grupo, higit na mas malakas at superyor ang bilang at armas pamutok ng AFP laban sa nakahimpil na mga Pulang mandirigma, ngunit bakit hindi na lamang sila inaresto?
“Bakit wala ni isa sa kanila—o maging lahat sila—ang inaresto at sinampahan ng kaso? Para maging mga bilanggong pulitikal sa halip na habampanahong pinatahimik?” ayon pa sa grupo.
Dagdag ng Kapatid, “sabi ng military, tapos na ang insurhensya.” Ang Negros Occidental ay idineklarang State of Stable Internal Peace and Security (SIPS) noong Marso 2024. “Kung tunay na ‘ubos’ na ang BHB ay bakit mayroong mga tulad ni Dee Supelanas na patuloy na sumasali sa pinakamatagal nang umiiral na insurhensya sa bahaging ito ng daigdig?” anang grupo.
Para alamin ang kabuuan ng pangyayari sa pagkamatay ng Kabankalan 7, nanawagan ang Kapatid sa Commission on Human Rights na kaagad maglunsad ng nagsasarili at imparsyal na imbestigasyon dito. Hinamon rin nito ang Department of Justice (DoJ) na suriin kung mayroong paglabag sa Anti-Torture Law, internasyunal na makataong batas (IHL), at iba pang pambansa at internasyunal na alituntunin ang hindi sinunod ng AFP.
“Kung nagawa ng DoJ na itaguyod ang kahalagahan ng internasyunal na batas sa pagsuporta sa pag-aresto kay dating Presidente Duterte [ng Interpol alinsunod sa mandamyento ng International Criminal Court], dapat din itong gawin sa Kabankalan 7,” paghahamon pa ng Kapatid.
Anang grupo, ang tahasang pagpaslang sa Kabankalan 7, laluna at mas malakas at marami sa bilang at armas ang estado ay lumilikha ng seryosong mga katanungan. “Si Supelanas at anim niyang kasama ay dapat nakatamasa ng tamang proseso. Kung inaresto sila, naging mga bilanggong pulitikal sana sila, hindi mga kaswalti sa sinasabing barilan kung saan namatay kasabay nila ang katotohanan,” ayon pa sa grupo.