Balita

Pagsabotahe ng militar sa aktibidad ng Comelec sa Masbate, kinundena

Kinundena ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM)-Masbate ang lantarang pagkubabaw at pakikialam ng mga pwersang militar at pulis sa reaksyunaryong eleksyon sa prubinsya ng Masbate. Sinabotahe ng militar ang “unity walk” ng mga kandidato na isinagawa ng Commission on Elections (Comelec) noong Marso 26 bilang bahagi ng sana’y kampanya para sa “matiwasay at mapayapa” na eleksyon sa Mayo.

Ayon sa PKM-Masbate, sa halip na para sa eleksyong 2025 ang aktibidad ay ginamit ng militar para sa kampanyang kontra-insurhensya. Pinabitbit ng mga ito ang mga plakard at panawagang naglalaman ng paninira at maruming propaganda laban sa rebolusyonaryong kilusang at Bagong Hukbong Bayan (BHB). Mga pulis at militar rin ang nasa unahan ng hanay ng martsa, sa halip na mga sibilyang kandidato at tauhan ng Comelec.

“Malinaw sa reaksyunaryong batas na hindi maaaring makialam at manghimasok ang militar at pulis sa eleksyon. Wala dapat silang pinapaboran o pinapanigang pulitiko,” ayon sa PKM-Masbate.

Liban pa sa pagsabotahe sa martsa, mayroon ding naitalang mga insidente ng iba pang porma ng pakikialam ng militar sa eleksyon. Naitala ang mga insidente na pinipigilan ng militar at pulis ang ibang kandidato na malayang makapangampanya laluna ang mga oposisyon sa dinastiyang pulitiko sa Masbate, sa pangunguna ng pamilyang Kho.

“Nagpapagamit rin ang militar at pulis bilang goons ng mga kandidato sa panahon ng kampanya hanggang sa araw mismo ng halalan. Sila ang nagtitiyak na mananalo ang kanilang pinagsisilbihang mga kandidato,” ayon sa PKM-Masbate. Ilan sa mga natakot ay umatras sa kandidatura at mas piniling tanggapin ang inalok na halaga kapalit ang hindi na pagtakbo sa eleksyon.

Ayon sa grupo, nagbubunsod ng higit na kaguluhan at patayan ng mga tagasuporta at kandidato ang pagsali ng militar at pulis sa pangangampanya ng nga kandidato. “Taliwas ito sa kanilang pinapalabas na ang BHB ang naglilikha o tagabunsod ng gulo sa panahon ng eleksyon,” pagdidiin ng PKM-Masbate.

Nanawagan ang grupo sa masang Masbatenyo na maging alerto at huwag magpalinlang sa mga pakana ng militar at pulis. “Walang pinakaapektado sa mga banggaan ng mga pulitiko na gumagamit ng dahas sa panahon ng kampanya at halalan kundi tayong mamanamayan,” anang grupo ng magbubukid.

Sa harap nito, sinabi ng grupo na lalo nagiging mahalaga ang tungkulin ng rebolusyonaryong kilusan upang ilantad ang kabuktutan ng reaksyunaryong eleksyon sa mas maraming mamamayan.

Nagsimula noong Marso 28 ang kampanya sa eleksyon ng mga lokal na kandidato.

AB: Pagsabotahe ng militar sa aktibidad ng Comelec sa Masbate, kinundena