Pagsasaayos ng mga eskwelahang nasira ng bagyong Karding, pinabibilis ng mga guro

,

Nanawagan ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa Department of Education (DepEd) at gubyernong Marcos na kagyat na isaayos ang mga eskwelahang nasira dulot ng superbagyong Karding na tumama sa malaking bahagi ng bansa noong Sabado at Linggo.

Ayon sa ACT, dapat mabilis na ayusin ang mga nasirang eskwelahan dahil makaaapekto ito sa 100% harapang klase na nakatakdang isagawa sa Nobyembre. Iminungkahi ng mga guro na gamitin ang nalalabing ₱10.46 bilyong calamity fund para sa taong ito para tugunan ang mga sektor ng edukasyon, at maging sa agrikultura, kabuhayan, at bahay ng apektadong mga prubinsya.

Sa nakuhang ulat ng ACT mula sa mga kasaping unyon nito, maraming mga klasrum at kagamitang pang-eskwela sa Aurora, Quezon, Nueva Ecija, Bulacan, Tarlac at Metro Manila ang nasira ang mga bintana at bubong, nabagsakan ng mga puno at nalubog sa baha.

Sa paunang taya ng DepEd, aabot na sa ₱112 milyon ang halaga ng mga nasirang eskwelahan dahil sa bagyo. Tinatayang 21,509 paaralan at 12,174,549 mga estudyante ang apektado dulot ng pananalasa ng bagyo.

“Mas maraming klasrum ngayon ang hindi magamit dahil sa bagyong Karding, na magpapalala sa kakulangan ng klasrum sa bansa,” ayon kay Vladimer Quetua, tagapangulo ng ACT.

Pagdidiin niya, “sana ay hindi magaya ito sa mga paaralan na sinalanta ng bagyong Jolina at Odette sa Bicol, Visayas at Mindanao na halos isang taon nang nakatiwangwang at hindi pa rin nakukumpuni kung kaya lalong kapos ang mga silid-aralan na nagagamit ngayon.”

Ayon pa kay Quetue, dapat ding kagyat na tulungan ang mga pamilyang naapektuhan dahil hindi makapagtutuloy ang klase kung hindi pa makauwi ang mga pamilyang tumutuloy at naka-evacuate pa sa mga paaralan. Apektado rin ang mga anak ng mga nawalan ng kabuhayan dahil sa bagyo.

Umaasa ang ACT na sana ay hindi ipapabalikat at ipapasa sa mga pinuno ng paaralan at mga guro ang responsibilidad ng pagsasaayos sa mga nasirang gusali.

“Hindi na natin maatim kung maantala pa ang pagbubukas ng mga klase kung gusto nating makarekober na sa edukasyon,” ayon kay Quetua. Handa naman umano ang mga guro na pumasok sa trabaho…pero kailangan nila ng maayos na sitwasyon.

Tulong-guro

Habang iginigiit ng ACT ang pagtugon gubyerno, naglunsad ng sariling pagsisikap ang grupo para tulungan ang mga nasalanta ng bagyo. Ikinasa nila ang operasyong relief at namahagi ng tulong para sa mga guro at mga estudyante.

Sinimulan nila ang inisyatiba ngayong araw sa pagbibigay ng donasyon sa Sta. Lucia Highschool sa Quezon City na nagsisilbing sentro ng ebakwasyon sa mga binahang residente. Namigay sila ng mga ‘baon pack,’ gamit sa eskwela, hygiene kit para sa mga estudyante at isang photo-copying machine para sa eskwelahan.

“Namamahagi tayo ng tulong…para patuloy na makapasok sa eskwela ang mga estudyante sa harap ng epekto ng kalamidad sa kanilang mga pamilya,” salaysay ni Dana Beltran, Deputy Secretary-General ng ACT. Inulit din ni Beltran ang naunang pahayag ng ACT na maliit o kakaunti lamang ang maitutulong ng kanilang pagsisikap at kinakailangan ang mas makabulungang tulong at plano mula sa gubyerno.

“Wala pa tayong naririnig sa DepEd kung anong plano nila para kagyat na ayusin ang mga apektadong pasilidad. Sana naman ay bilis-bilisan nila ang kilos dahil mahalaga ang bawat araw na nawawala para sa pag-aaral ng mga bata,” pagdidiin ni Beltran.

Ibinahagi ng ACT na plano pa nilang maglunsad ng mga operasyong relief sa ilang paaralan sa Central Luzon sa darating na mga araw. “Sa kabutihang loob ng mga kapwa guro at ibang tumutulong, sana ay makatulong tayo sa pagpapagaan ng kinakaharap na suliranin ng mga guro sa mga eryang ito,” pagtatapos ni Beltran.

AB: Pagsasaayos ng mga eskwelahang nasira ng bagyong Karding, pinabibilis ng mga guro