Pagsikil sa malayang pamamahayag sa Cagayan State University, kinundena ng mga estudyante
Mariing kinundena ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP) ang lantarang pagsikil sa malayagang pamamahayag at pananakot ng administrasyon ng Cagayan State University (CSU) sa publikasyon ng mga estudyante dahil sa kanilang pag-kober sa mobilisasyon ng ika 53 anibersaryo ng Martial Law sa Tuguegarao City noong Setyembre 21.
Pinilit ng mga upisyal ng unibersidad mula sa iba’t ibang kampus ang mga publikasyon na The CSU Promethean ng CSU-Carig Campus, Likha Pahinarya at The CSU Communicator ng CSU Andrews, na burahin ang kanilang mga artikulo tungkol sa naging protesta kontra korapsyon sa Rizal Park sa Tuguegarao City.
Dineklara ng mga upisyal na “hindi awtorisado” ang artikulo ng The CSU Promethean at binantaan na paparusahan ang patnugutan nito. Pinipilit rin silang “humingi ng paumanhin” sa kanilang mga sinulat.
Bigla naman binura ang Facebook page ng Likha Pahinarya pagkatapos nitong ilabas ang artikulo ngunit naibalik rin kalaunan. Pinagkaitan din ng akses ang editorial board sa kanilang FB page.
Ayon sa ulat, mas tumindi ang panggigipit nang ipaskil ng mga publikasyon ang mga litrato ng mga nagprotesta na may bitbit na plakard na dawit ang pangalan na “Lara” hinggil sa palpak na proyektong flood control sa rehiyon. Ilan sa mga panawagan sa plakard ang: “Pera ng bayan hindi Pang-LARAwan” at “kaEPALan, wag tuLARAn.” Ang tinutukoy dito ay si Joseph Lara, ang kinatawan ng ikatlong distrito ng Cagayan sa kongreso. Si Lara ay mayor na sponsor ng mga gusali sa unibersidad.
Hugas kamay naman ang presidente ng unibersidad na naglabas ng pahayag noong Setyembre 23 na wala silang ginagawang pagparusa o pagsikil sa malayang pagpapahayag ng mga estudyante o ng mga publikasyon.
“Walang karapatan ang mga nasa awtoridad na diktahan o limitahan ang tungkulin ng mga nasa publikasyon. Pinapaalalahanan namin ang mga upisyal ng gubyerno na walang utang sa kanila ang mga publikasyon at komunidad. Obligasyon ng mga politiko na irespeto ang kritisismo at hinaing ng mga mamamayan, anumang banta dito ay naglalantad lamang sa nagpapatuloy na kawalan ng hustisya na pinapairal ng mga nasa kapangyarihan,” paliwanag ng CEGP
Nagpahayag ng suporta at pagkundena ang Office of the Student Regent sa panggigipit sa mga publikasyon. Anito, hindi binuo ang publikasyon para pagsilbihan ang nasa katungkulan kundi magsilbing tagabantay ng katotohan, pananagutan at transparency. Ang pilitin sila na “humingi ng paumanhin” dahil sa kanilang pagsasalita ay nagkakait sa pangunahing prinsipyo ng demokrasya at kritikal na pag-iisip na dapat na itinataguyod ng unibersidad.
Nagpahayag din ng suporta nag Cagayan Provincial Information Office-TeleRadyo sa laban ng mga estudyante. Hinikayat nila ang lahat ng media outlets at mamamahayag sa rehiyon na magpakita ng pakikiisa at suporta sa laban para sa malayang pamamamahayag. Anila, ang pagtatanggol sa malayang pamamahayag sa mga paaralan at unibersidad ay pagtatanggol din sa malayang tinig ng sambayanang Pilipino.
“Hinahamon namin ang Commission on Higher Education at administrasyon ng unibersidad na aktibong protektahan ang kanilang mga estdudyante at higit na suportahan ang mga mamamahayag na ginigipit.” pahayag ng CEGP.