Balita

Pagtalaga ni Marcos ng bagong pinuno, mga kagawad sa BTA, binatikos ng MILF

Hindi natuwa ang liderato ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa pagtatalaga ni Ferdinand Marcos Jr kay Abdulraof Macacua bilang bagong interim chief minister ng Bangsamoro Transition Authority (BTA). Ayon sa pahayag na inilabas ng Komite Sentral nito, walang konsultasyon na pinalitan ni Marcos ang kasalukuyang interim chief na si Ahod “Al Haj Murad” Ebrahim at taliwas rin ito sa naipaabot na ng grupo na kagustuhang manatili siya sa poder. Sa utos ni Marcos, hinirang lamang na isa sa 80 panrehiyong kinatawan si Murad, bagay na hindi niya tinanggap.

Itinalaga si Ebrahim sa BTA noong 2019 ng noo’y presidente Rodrigo Duterte. Siya ang kasalukuyang pinuno ng MILF at commander-in-chief ng Bangsamoro Islumic Armed Forces, ang armadong bisig ng MILF.

Dagdag dito, 35 lamang sa 41 isinumiteng pangalan ng MILF ang ipinwesto ni Marcos sa BTA.

Itinuturing ng MILF ang mga hakbang na ito bilang “pakikialam sa internal na proseso” ng grupo, at direktang nagpapahina sa “prinsipyo ng awtonomiya” na nakasaad sa Bangsamoro Organic Law (BOL). Nabuo ang batas na ito matapos pumasok sa pinal na kasunduang pangkapayapaan ang MILF sa noo’y rehimen ni Benigno Aquino.

Labag ang ginawa ni Marcos na 35 sa 41 na tauhan ng MILF ang itinalaga sa BTA. Nakasaad sa BOL na ang BTA ay pamumunuan pangunahin ng MILF. Mayroong 80 pusisyon ang BTA, at pinalitan ni Marcos ang 70 nito noong Marso 3. Sa gayon, di hawak ng MILF ang mayorya ng BTA.

“Ang hakbang na ito ay hindi lamang nagpapabaya sa kasunduan na nakabatay sa BOL kundi pinahihina rin ang kredibilidad ng pamunuan ng MILF sa transisyon,” ayon sa editoryal ng Luwaran, upisyal na publikasyon ng MILF.

Sa pagtalikod at pagwawalang-bahala sa mga rekomendasyon ng MILF, epektibong inalisan ni Marcos ng karapatan ang MILF na pamunuan ng BTA na ngayon ay namamahala sa BARMM, anito. Nakasisira rin ito sa tiwala at sinseridad sa proseso ng kapayapaan.

“Mapanganib” ang pagwawalambahala ng gubyerno ng Pilipinas sa mga probisyon ng BOL, ayon sa grupo. “Kung babawasan nito ang papel ng MILF, maaaring humina ang tiwala sa proseso ng kapayapaan, na posibleng humadlang sa ibang mga armadong grupo na makipag-ayos sa estado.”

Nasa interes ng lahat na kumonsulta sa pamunuan ng MILF at igalang ang kanilang desisyon sa mga usaping may napakalaking kahalagahan sa Bangsamoro, anito.

AB: Pagtalaga ni Marcos ng bagong pinuno, mga kagawad sa BTA, binatikos ng MILF