Balita

Pagtapyas sa sahod ng mga manggagawang Pilipino sa pandemya

Matagal nang inirereklamo ng mga manggagawa ang lalong pagbagsak ng dati nang mababa nilang sahod, laluna mula magsimula ang pandemya at pagpapatupad ng mga lockdown. Laganap ang mga kaso na sinasamantala ng mga kapitalista, kakutsaba ang Department of Labor and Employment (DOLE), ang krisis at desperasyon ng mga manggagawa na makapagtrabaho sa pamamagitan ng hindi pagbabayad kahit sa minimum na sahod. Marami ring manggagawa laluna sa mga naluluging maliliit na negosyo ang napipilitang tumanggap ng lubos na mababang sahod para lang hindi mawalan ng hanapbuhay.

Ang ganito dinaranas na ibayong pagsasamantala ng mga manggagawa ay kinumpirma kahit ng Philippine Statistics Authority (PSA), ahensya ng reaksyunaryong gubyerno. Sa isinagawa nitong Occupational Wages Survey, lumalabas na bumagsak nang abereyds na 9% ang dati nang mabababang sahod ng mga manggagawang Pilipino sa ilalim ng pandemya. Sinaklaw nito ag 190 klase na trabaho sa 18 linya ng industriya na nagpapasahod nang orasan (time-rated). Malamang na mas malala pa ang aktwal na dinaranas ng mga manggagawa dahil limitado ang sarbey sa mga negosyong may 20 manggagawa pataas. Hindi nito sinaklaw ang milyun-milyong inieempleyo sa maliliit na negosyo at yaong mga nasa impormal na sektor. Sinuri ng sarbey ang mga sahod mula 2018 hanggang Agosto 2020.

Ayon sa sarbey, bumagsak mula ₱18,108 ang abereyds na buwanang sahod noong 2018 tungo sa ₱16,486 na lamang noong 2020. Sa panahong ito, di signipikante ang itinaas ng saligang sahod na lumaki lamang ng 0.6% mula ₱13,559 tungong ₱13,646.

Kabilang sa mga manggagawang bumagsak ang sahod ang mga nasa sumusunod na sektor:

1) pinansya at seguro, mula ₱18,486 tungong ₱15,986, o 13.5% pagbagsak

2) real estate, mula ₱16,989 tungong ₱16,238 (9.7% na pagbagsak)

3) komersyong pakyawan at tingian, at

4) sasakyan at motorsiko, mula ₱13,299 tungong ₱12,592

Bagamat bahagyang tumaas, nananatiling mababa ang sahod sa iba pang sektor kabilang ang mga manggagawa sa:

1) pagmimina at pagkukwari, ₱13,272 (tumaas nang 14.5%)

2) elektrisidad, gas, steam and air-conditioning supply, ₱27.253 (tumaas anng 10.7%)

3) kalusugan at serbisyong panlipunan, ₱14,721 (tumaas nang 9.8%)

Ang mga sahod na ito ay malayo sa minimum na nakabubuhay na sahod na nasa ₱1,051/araw o ₱31,530 kada buwan.

Simula pa lamang ng pandemya, naglabas ang rehimeng Duterte ng kautusan na nagbibigay-pahintulot sa mga kapitalista na magbawas ng sahod o ng oras ng kanilang mga manggagawa sa tabing ng “pagpreserba ng mga trabaho.” Noong Marso 4, sinuportahan ng DOLE ang tulak ng malalaking negosyo para gawing “pleksibleng paggawa” na nangangahulugan ng mas mababang sahod, kulang na trabaho kundiman tahasang pagtatanggal ng mga manggagawa. Kabilang sa mga pinahintulutan ng DOLE ang 1) pagbabawas ng mga oras o araw ng paggawa; 2) pagbabawas ng mga manggagawa sa pamamagitan ng rotasyon at/o paglilipat ng mga manggagawa sa ibang trabaho; at 3) sapilitang pagbabakasyon.

Sa kasagsagan ng pinakamahigpit na lockdown at malawak na kawalang trabaho, inilabas ng DOLE noong Mayo 18, 2020 ang Labor Advisory 17 na nagbibigay ng ligal na tabing para tahasang labagin ng mga kapitalista ang mga batas sa minimum na sahod. Pinayagaan nito ang mga kapitalista na kaltasan ang mga sahod at kaakibat na mga benepisyo hanggang “sumasang-ayon” ang mga manggagawang sa panahon na ito ay desperadong makabalik sa trabaho.

Itinulak nito ang pagpapatupad ng kaayusang work-from-home na nagbawas ng oras at araw ng paggawa, at pumwersa sa mga manggagawa na tumanggap ng mas mabababang sahod habang bumabalikat ng mas mabibigat na tungkulin na kumakain ng dagdag na oras ng paggawa. Pinayagaan din ng DOLE ang basta-bastang pagsisante ng mga manggagawa sa ngalan ng “pangangalaga ng mga trabaho sa panahon ng pandemya.”

Binawi lamang ng DOLE ang advisory na ito noong Setyembre 2020, matapos ang limang buwang tuluy-tuloy na pagbatikos dito ng mga manggagawa.

Sa inilbas nitong Labor Advisory 17-B 2020, isinaad nito na ang lahat ng mga paglilipat, rotasyon ng trabaho, pagbabawas ng araw ng trabaho, pagsasara at iba pang kaayusan sa trabaho (kabilang ang work-from-home), gayundin ang mga pagbabago sa sahod at kaakibat na mga benepisyo, ay dapat pinamamahalaan ng umiiral na mga batas, tuntunin at mga regulasyon, desisyon ng mga korte at collective bargaining agreement, kung meron.” Gayunpaman, walang pag-aaral ang DOLE kung ibinalik ng mga kapitalista sa dating antas ang mga sahod ng mga manggagawa nila, laluna sa sumunod na mga lockdown ng estado.

AB: Pagtapyas sa sahod ng mga manggagawang Pilipino sa pandemya