Pagtarget ng Israel sa mamamahayag sa Gaza, kinundena ng mga eksperto ng UN

,

Kinundena ng tatlong espesyal na tagapag-ulat ng United Nations (UN) ang sadyang pagtarget ng Israel sa mga mamamahayag at mga myembro ng midya na anila’y ginagamit na estratehiya para sadyang patahimikin ang kanilang pag-uulat.

Naglabas ng pinag-isang pahayag noong Pebrero 1 sina Irene Khan (UN Rapporteur on free expression), Francesca Albanese (UN Rapporteur on Palestine) at Morris Tidball-Binz (UN Rapporteur on extrajudicial killings), na naglarawan sa pang-aatake ng Israel sa Gaza bilang “pinakamapanganib na sigalot para sa mga mamamahayag sa kamakailang kasaysayan.”

Ayon sa mga eksperto, natanggap nila ang mga ulat ng pang-aatake sa mga mamamahayag kahit malinaw ang marka na “press” sa kanilang mga jacket at helmet, at kahit maayos na nakamarka ang kanilang katayuan sa kanilang mga sasakyan. “(N)agpapahiwatig ito na ang mga pagpaslang, paglumpo at detensyon (sa mga mamamahayag) ay isang sadyang estratehiya ng mga pwersang Israel para hadlangan ang midya at patahimikin ang kritikal na pamamahayag.”

Ayon sa UN, umabot na sa 122 mamamahayag at manggagawa sa midya ang pinatay sa Gaza mula Oktubre 7. Tinarget din ang kanilang mga pamilya na nagresulta sa pagkamatay at pagkasugat ng daan-daan pa. Samantala, naisadokumento ng Committee on the Protection of Journalists (CPJ) ang 85 na mga kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag at manggagawa sa midya noong Pebrero 2.

Mayroon ding naisadokumento na 16 kaso ng pagkasugat, apat na desaparesido at 26 na iligal na inaresto. Mas marami pa ang biktima ng pang-aatake, pambabanta, cyberattack, pagsensor at pagpatay sa mga kamag-anak. Ayon sa grupo, napakarami pang kaso ang hindi nila kaagad na maberipika dahil sa pagbabawal ng Israel na pumasok ang dayuhang mga mamamahayag sa Gaza.

Isa sa pinakatampok na kaso ang pagpatay sa pamilya at katrabaho ni Wael Dahdouh, pinuno ng Al Jazeera sa Gaza. Pinatay sa isang air strike ang kanyang asawa, dalawang anak at apo. Sa hiwalay na insidente, tinarget siya sa isang drone strike na ikinasugat niya at ikinamatay ng kanyang cameraman. Namatay sa isa pang air strike ang kanyang mamamahayag ding anak, kasama ang isa pang manggagawa sa midya.

Idiin ng CPJ at mga eksperto ng UN na sa ilalim ng internasyunal na batas, protektadong mga indibidwal ang mga mamamahayag at midya.

“Ang sadyang pang-aatake at pamamaslang sa kanila ay mga krimen sa digma,” anila.

Ang atake sa mga mamamahayag ay nakapaloob sa kampanyang henosidyo ng Zionistang Israel sa mamamayang Palestino. Mula nang pinaarangkada nito ang kampanya, mahigit 27,000 Palestino na ang pinatay, 65,000 ang nasugatan at 85% ang napalayas sa kanilang mga tirahan dulot ng walang habas na air strikes at pananalakay ng mga pwersang Zionista.

AB: Pagtarget ng Israel sa mamamahayag sa Gaza, kinundena ng mga eksperto ng UN