Balita

Pagtutol sa pribatisasyon ng palengke sa Baguio City, lumalawak

Sabay-sabay na nagsara ng kanilang mga tindahan ang mga manininda ng Baguio City Public Market upang dumalo sa protesta sa Malcolm Square para isalba mula sa pribatisasyon ang palengke noong Nobyembre 26. Kasama nila ang mga myembro ng Anakbayan Metro-Baguio at Save Baguio Market Movement (SBMM). Mahigit isang libong indibidwal ang lumahok sa protesta.

Sa protesta, nagkaroon ng talakayan hinggil sa planong ‘mallification’ at pribatisasyon ng pampublikong palengke, noise barrage at kulturang pagtatanghal.

Patuloy din ang pangangalap ng pirma ng SBMM kasabay ng programa. Layon ng grupo na makakalap ng 50,000 pirma bago mag Enero 10, 2026. Kasalukuyan nang nakakalap ang grupo ng mahigit 20,000 pirma na una nang binigay kina Meyor Benjamin Magalong at sa mga konsehal ng syudad noong Nobyembre 19.

Bago ang naturang protesta, naglunsad ng noise barrage sa loob ng palengke ang mga manininda, mamimili, mga progresibong grupo at kabataang estudyante noong Nobyembre 23. Naglunsad din ng maikling programa pagkatapos ng aktibidad.

Plano ng mga grupo na araw-araw maglunsad ng noise barrage sa palengke kada ala-10 ng umaga at alas-3 ng hapon hanggang maibasura ang planong pribatisasyon.

Nakatakdang pinal na pagdesisyunan ng lokal na gubyerno ang planong pribatisasyon sa Enero sa susunod na taon. Tinatayang nasa 4,000 na manininda ang nanganganib na mawalan ng kabuhayan kapag matuloy ang mallification at pribatisasyon ng pampublingkong palengke ng SM Prime Holdings.

Nananawagan ang mga grupo sa mga mamamayan ng Baguio City na lumahok sa pambansang araw ng protesta laban sa korapsyon sa Nobyembre 30 sa Malcolm Square.

AB: Pagtutol sa pribatisasyon ng palengke sa Baguio City, lumalawak