Palayain ang Mansalay 2, giit ng mga grupo

, ,

Binuo noong Hunyo 5 ng pamilya, mga kaanak, organisasyon ng mga magsasaka at tagapagtaguyod ng karapatang-tao ang network na ‘Free Mary Joyce Lizada and Arnulfo Aumentado Campaign Network’ para igiit ang kagyat na pagpapalaya kina Lizada at Aumentado na kapwa dinukot ng militar noong Abril 24 sa Mansalay, Oriental Mindoro at kalaunan ay inilitaw ng militar na mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan.

Ang dalawa ay mga myembro ng Bigkis at Lakas ng mga Katutubo sa Timog Katagalugan (BALATIK), ang organisasyon ng mga katutubo sa rehiyon.

Ang pagtitipon ng mga kaanak at grupo ay isinagawa sa Commission on Human Rights sa Quezon City.

Ang dalawa ay kasalukuyang ibinibimbin sa Army Service Hospital sa Camp Capinpin sa Tanay, Rizal. Panawagan ng network na kilalanin at igalang ang mga karapatang demokratiko ng dalawa at pahintulutan ang mga kaanak at abugado na malayang makabisita sa kanila.

Sa nagdaang mga linggo at pagkakataong bibisitahin ang dalawa, paulit-ulit na pinigilan at ginipit ng militar ang kanilang mga kamag-anak at kasama nilang paralegal.

Nag-apela rin ang network sa gubyerno at CHR na tugunan ang lumalaganap na kaso ng iligal na pag-aaresto at detensyon sa bansa. Sa huling tala noong Marso 31, hindi bababa sa 769 ang mga bilanggong pulitikal, 40 ang inaresto sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr.

AB: Palayain ang Mansalay 2, giit ng mga grupo