Palengke sa Baguio City, pinangangambahang sadyang sinunog

,

Pinaiimbestigahan ng grupong Kadamay ang naganap na sunog noong Marso 11 na tumupok sa isang bahagi ng Baguio City Public Market. Sinira nito ang 1,700 stall, kasama ang humigit kumulang ₱24 milyong produkto at ari-arian.

“Nakababahala na tuwing may plano ang gubyerno para isapribado ang isang lugar at may pagtutol dito ang mga mamamayan, nasusundan ang mga ito ng sunog,” pahayag ng grupo. Noon pang 2020 matunog ang planong pribatisasyon ng palengkeng ito.

“Hindi pa man naapula ang apoy, lumabas na agad sa bibig ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na gusto niyang “ma-fast track” ang Public-Private Partnership (PPP) project para daw maitayo na ang relokasyon (sa mga manininda) at matuloy na ang rehabilitasyon ng palengke,” anito.

Balak ibenta ng lokal na gubyerno ang espasyo sa nag-aagawang may-ari na mga Gokongwei (Robinsons) at Sy (SM).

Mula’t sapul, inaalmahan na ng mga manininda at maliliiit na negosyo ang planong pribatisasyon ng palengke. Ito ay dahil planong itaas ang babayaran nilang upa mula ₱11 tungong ₱50 kada kwadrado metro sa itatayong “modernong” palengke. “Nangangahulugan ito ng mas mataas na presyo ng mga paninda para sa mag residente ng Baguio,” anila.

“Hindi na bago ang paggamit ng sunog sa mga espasyong pinag-iinteresan ng mga malalaking negosyo,” ayon sa Kadamay. “Madalas mangyari ang ‘hot demolition’ sa mga informal settlements na gustong tayuan ng mga mall at condominium.”

Kabilang sa mga halimbawa na ibinigay ng grupp ang pagsunog sa Sityo San Roque para maitayo ang Vertis North Project ng Ayala at ang mga komunidad sa baybay ng Cavite para para maituloy ang proyektong reklamasyon sa Manila Bay.

AB: Palengke sa Baguio City, pinangangambahang sadyang sinunog