Balita

Pambabastos sa isang matandang babae, kinundena ng Gabriela

Mariing kinundena ng grupong Gabriela ang naganap na pambabastos nila Mayor Rammy Parayno at Vice Mayor Jimmy Parayno ng Urdaneta City, Pangasinan sa isang matandang babae noong Mayo 3 sa kanilang campaign rally.

Sa campaign rally, tinawag ang isang matandang babae sa stage at sinabing bibigyan siya ng ilang libong pisong premyo kapalit ng paghalik kay Vice Mayor Prayno. Sinimulan nila ang “bidding war” sa P1,000 hanggang umabot sa P5,000 ang premyo.

“Nagagalit kami sa kasuklam-suklam na insidenteng ito kung saan ang mga lokal na upisyales ay halos “isubasta” ang dignidad ng matandang babae para sa kanilang katuwaan at bilang libangan ng mga manonood,” pahayag ni Clarice Palce, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Palusot ng mga upisyal, porma diumano ito ng pagtulong.

Pero ayon kay Palce, ang “tunay na pagtulong at malasakit ay walang kundisyon. Pagsasamantala ang tawag sa ginawang pagpapahalik sa isang lola kapalit ng pinansyal na tulong.”

Aniya, nakababahala ang insidente dahil maihahalintulad ito sa single mom joke ng isang kandidato sa pagka-kongresista sa Pasig City. Nagpapakita ito ng padron ng mga pulitiko kung saan ginagamit nila ang mga kababaihan bilang sekswal na bagay para pagtawanan tuwing kampanya sa eleksyon.

Nanawagan ang Gabriela ng pananagutan sa mga upisyal na imbwelto sa insidente at inudyok ang COMELEC na gumawa ng nararapat na aksyon.

“Ang mga upisyal ng gubyerno at kumakandidato ay dapat ilagay sa mataas na pamantayan pagdating sa pagrespeto sa kababaihan. Nakagagalit ang ganitong bastos at mapagsamantalang pagtrato sa kababaihan, sa halip na maghapag ng solusyon sa kahirapang dinaranas ng maraming Pilipino,” dagdag ni Palce.

Binigyang diin ng Gabriela na ipinapakita ng mga insidente na ito ang pangangailangan para sa malakas na representasyon ng kababaihan sa pulitika at paggugubyerno, at para sa mga upisyal na tunay na magsusulong ng karapatan ng kababaihan.

AB: Pambabastos sa isang matandang babae, kinundena ng Gabriela