Pambubugbog ng mga heneral sa kanilang asawa’t anak, kinundena ng Makibaka

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Kinundena ng Makibaka, organisasyon ng mga rebolusyonaryong kababaihan, ang pambubugbog at pang-aabuso ng dalawang heneral sa kanilang mga asawa at anak.

Ayon kay Malaya Libertad, tagapagsalita ng Makibaka, “Sa ilalim ng malakolonyal at malapyudal na sistema, nagpapatuloy ang kahayupan at kabulastugang ginagawa ng AFP sa kababaihan at mga bata. Isang patunay ito ng macho-pasistang kultura na umiiral sa loob ng AFP.”

Noong Marso 12, humarap sa Senado si Tessa Luz Reyes-Sevilla, asawa ni Gen. Ranulfo Sevilla, para ibunyag ang pambubugbog na dinanas niya at kanyang anak sa kamay ng heneral. Liban sa pambubugbog, nangangaliwa din umano itong si Sevilla. Kasalukuyang deputy commander Special Operations Command ng AFP si Sevilla. Dinidinig noon sa Senado ang promosyon ni Sevilla tungong brigadier general.

Sa Marso 19, isinapubliko naman ni Gemini Baladad sa isang press conference, ang pang-aabuso na dinanas niya at kanyang anak sa kamay ng kanyang asawa na si (Ret.) Major General Aurelio Baladad. Notoryus na tagalabag ng karapatang-tao at internasyunal na makataong batas si Baladad. Siya ang kumander na nag-utos ng pag-aresto, detensyon at tortyur sa Morong 43, ang grupo ng manggagawang pangkalusugan. Pinakamataas niyang naabot na katungkulan ang pagsilbing kumander ng Eastmincom noong noong 2014-2015. Sa panahong ito naganap ang maraming mga krimen ng yunit-militar sa ilalim ng kanyang kumand, kabilang ang sadyang pagpatay sa nadakip nang si Ka Parago (Leoncio Pitao). Nagretiro si Baladad noong 2015.

Ani Gemini, maraming beses niyang inireklamo sa AFP ang pang-aabuso ng kanyang asawa, pero hindi siya pinansin ng pamunuan ng militar. Aniya, wala siyang natanggap na aksyon, proteksyon at suporta, o kahit simpatya man lamang mula sa AFP. Malala pa, sinipa siya sa kampong tinitirahan niya noong panahon na iyon.

Lumantad siya sa publiko para bigyan ng boses ang maraming mga asawa at pamilya na nagdurusa sa kamay ng kanilang mga asawang heneral at sundalo. Nasa 10 kababaihan kada araw ang naghahain ng reklamo sa AFP dahil sa kaso ng pang-aabuso ng kanilang mga asawa, aniya.

“Hindi na bago ang pang-aabuso ng AFP sa kababaihan at mga bata. Patuloy nila itong ginagawa sa ilalim ng mga kontra-insurhensyang operasyong militar sa kanayunan at pamamalagi nila sa mga baryo at komunidad. Maraming kaso ng pang-aabuso ng militar sa kanayunan ang hindi narereport o nababalita,” ani Ka Malaya.

Sa kanayunan, biktima ang kababaihan ng walang rendang panggagahasa, pananakit, pangdudukot at pagpatay ng mga pasistang militar. Di rin iilang ang sanggol at bata na pinaghihinalaang nitong mga “anak ng NPA” ang kinidnap at hinostage para pasukuin ang kanilang mga magulang.

Hinikayat ng Makibaka ang lahat ng biktima na tumindig, magsalita, at labanan ang pang-aabuso ng mga pulis at militar sa kababaihan at mga bata. “Liban sa mga organisasyong pangkababaihan at women’s desks, bukas din ang mga chapter ng MAKIBAKA sa larangang gerilya at sa mga base sa kalunsuran upang tumulong sa mga biktima ng karahasan,” ayon kay Ka Malaya.

AB: Pambubugbog ng mga heneral sa kanilang asawa't anak, kinundena ng Makibaka