Pamilya, brutal na minasaker ng 26th IB sa Agusan del Sur
Walang-awang minasaker ng mga sundalo ng 26th IB ang pamilyang Gomansil sa Dayuman River, Barangay San Vicente (Balagnan), Esperanza, Agusan Del Sur noong Disyembre 15, 2024. Ilang buwan matapos ang karumal-dumal na krimen ay wala pa ring hustisya at napapanagot sa masaker.
Pinaslang ng mga berdugo ang mag-anak na Toto Gomansil, Toni Gomansil at kanilang anak na si Celine Gomansil. Pinaratangan silang nakikipag-ugnayan sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) at rebolusyonaryong kilusan sa prubinsya.
Bago ang krimen, nagpaalam pa ang pamilya Gomansil sa mga sundalong nakadeploy sa malapit na detatsment para magtrabaho sa kanilang sakahan. Ginawa itong kalakaran ng mga sundalo bilang bahagi ng iligal nilang paghahamlet sa mga komunidad at pagpapailalim sa paghaharing militar.
Sa kabila ng kanilang “pagpapaalam,” sinundan sila ng mga sundalo at iginapos ang mag-asawang Toto at Toni. Ipinailalim sila sa matinding interogasyon at ilang ulit na tinanong kung mayroong presensya ng BHB sa kanilang komunidad. Itinanggi ito ng mag-asawa. Hinahanap rin sa kanila ang asawa ni Celine na pinararatangan nilang isang mandirigma ng BHB.
Kasunod nito, sinaksak ng mga sundalo ang mag-asawa hanggang mamatay. Nakatakbo pa si Celine nang masaksihan ang pagpaslang sa kanyang mga magulang ngunit kaagad ring pinagbabaril ng mga sundalo. Nilapastangan at hinati pa ng mga ito ang bangkay ni Celine.