Balita

Pananatili sa Canada ng tauhan ng NTF-Elcac at maka-Duterteng si Jeffrey Celiz, pinaiimbestigahan

,

Nanawagan ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Canada sa gubyerno ng Canada na imbestigahan ang pananatili ng tauhan ng National Task Force-Elcac, maka-Duterte at personahe ng SMNI na si Jeffrey Celiz sa bansa. Ayon sa grupo, nakakaalarma ang presensya ni Celiz sa Canada laluna at notoryus siya sa pag-Red-tag sa mga aktibista at tahasang pagpapakalat ng disimpormasyon.

Si Celiz ay napag-alamang tumutuloy sa Toronto, Canada. Ayon mismo sa kanyang post sa Facebook, nasa bansa siya bilang bahagi ng “preserbasyon sa sarili” at pagsasaayos sa kanyang “operasyon at aktibidad” sa labas ng Pilipinas. Hindi niya inilinaw ang dahilan ng kanyang paglabas ng Pilipinas.

Inilatag ng Bayan-Canada ang apat na panawagan nito sa gubyerno kaugnay ng pananatili ni Celiz sa bansa. Anang grupo, dapat imbestigahan si Celiz sa kanyang rekord ng paglabag sa karapatang-tao at ang kanyang mga aktibidad sa Canada.

Kabilang si Celiz sa pinakamasigasig na tagasuporta at tagapamandila ng gera sa droga ng rehimeng Duterte, at kampanyang pagpaslang sa Pilipinas. Numero uno rin siyang Red-tagger, bilang isang nagpapanggap na dating mataas na upisyal ng Bagong Hukbong Bayan, laban sa mga organisasyon tulad ng Bayan-Canada at mga kandidato ng Koalisyong Makabayan ngayong eleksyon.

“Kilalang-kilala si Celiz bilang tagapagtanggol ng mga tagalabag sa karapatang-tao at kaaway ng mamamayan,” ayon sa Bayan-Canada. Giit nila na dapat siyang panagutin sa kanyang mga kilos at huwag pahintulutang malayang makaikot sa Canada para magkalat ng kasinungalingan at lason.

Dapat umano siyang itulad kay Josue Limmong Ahuday, dating upisyal ng Philippine National Police na sangkot sa gera sa droga ni Duterte, na tinanggihan ng gubyerno ng Canada na makapanatili sa Canada. Matatandaan na ibinasura kamakailan ng gubyerno ng Canada ang kanyang aplikasyon para sa permanent residency dahil sa pagkakasangkot sa gera sa droga.

Nanawagan rin ang Bayan-Canada na ideklarang hindi pwedeng pumasok o mag-operasyon si Celiz sa bansa sa bisa ng Bill S-226 o Justice for Victims of Corrupt Foreign Officials Act. Giit rin ng grupo na protektahan ng gubyerno ng Canada ang mga Pilipinong nasa bansa mula sa Red-tagging, panghaharas at pampulitikang panunupil mula sa estado at mga tauhang tulad ni Celiz.

At huli, nanawagan ang Bayan-Canada na patuloy na pagtibayin ng gubyerno ang pagsuporta sa karapatang-tao sa pamamagitan ng pagkilos laban sa mga lumalabag sa karapatang-tao.

AB: Pananatili sa Canada ng tauhan ng NTF-Elcac at maka-Duterteng si Jeffrey Celiz, pinaiimbestigahan