Panawagan ng mga migrante, tanggalan ng pondo ang "trafficker" na DMW
Kinundena ng Migrante International ang hinihinging dagdag na ₱1.3 bilyong pondo para sa 2026 ng Department of Migrant Workers (DMW) na tinawag nitong “tahanan ng mga trafficker” ng mga overseas Filipino worker (OFW).
Sa pahayag nito noong Setyembre 13, sinabi nitong hindi dapat bigyan ng pondo ang kagawaran na kumikita sa paghihirap ng libu-libong Overseas Filipino Workers (OFW). Bilang tagapangasiwa ng ‘labor export program’ ng bansa, karapat-dapat lamang na tanggalan ng pondo ang DMW na ang tanging ginagawa ay ilako ang mga Pilipino para magtrabaho sa mga bansang may mababang pasahod at mapanga-abuso trabaho, sa halip na protektahan ang mga migrante.
Ayon sa grupo, masasayang lamang ang pondo dahil gagamitin lamang ito para sa pangangasiwa sa pagbebenta at pagsasamantala sa mga migranteng manggagawa kasabwat ang mga sindikatong recruitment agency at pagpapataba sa bula ng mga kurap na upisyal ng gubyerno.
Bilang pangunahing tagapaglako ng murang lakas-paggawa ng mga Pilipino sa ibang gubyerno at kumpanya, laluna sa imperyalismong US at mga alyado nito, nakapagdeploy na ang kagawaran ng halos 1.8 milyong Pilipino sa ibang bansa ngayong taon.
Nasa 8,700 pamilya ang pinag-watak-watak ng DMW kada araw, para lamang tanggalan sila ng dignidad at labagin ang kanilang karapatan. Sa pagtaas ng 28% ng pondo ng ahensya, tiyak na tataas ang bilang na ito, paliwanag ng grupo.
“Hindi pwedeng tawagin ng DMW ang sarili nito bilang “tahanan ng OFW” habang pinagkakaitan nito ng mahahalagang tulong ang mga biktima ng trafficking at pagsasamantala sa ibayong dagat,” ayon sa grupo. Ito ay habang ang mga recruitment agency at consultancy firms na nangloloko at sangkot sa human trafficking ay patuloy na ligtas sa pananagutan.
Sa halip na magbigay ng pangmatagalan na trabaho sa Pilipinas, mas pinalawak ng gubyerno ang makinarya nito sa pagpapatupad ng labor export policy hanggang sa lokal na antas. Plano magtayo ng upisina ng DMW sa mga rehiyon na may budget na P700 milyon upang mas lalo pa pabilisin at padiliin at pagpapalabas ng mga Pilipino sa bansa. Magreresulta ito sa mas marami pang kaso ng pang-aabuso, anito.
Ginawang halimbawa ng Migrante ang mga OFW na pinadala sa South Korea bilang manggagawang agrikultural sa pamamagitan ng lokal na gubyerno sa North Luzon at mga Pilipinong estudyante sa kolehiyo na sa Visaya na nalubog sa utang dahil sa pagpaloob nila sa ‘study-work program’ sa Taiwan.
Ayon sa grupo, tulad ng ibang ahensya ng gubyerno sa Pilipinas, batbat din sa kurapsyon ang DMW. Mula pa noong rehimeng Marcos Sr. hangang sa rehimeng Arroyo, ginamit ng mga nagdaang administrasyon ang pondo ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) bilang pondo sa eleksyon ng nakaupong pangkatin.
Nananawagan ang Migrante International sa pagbasura sa labor export program at palitan ang korap na naghaharing sistema na nagtataguyod ng programa.