Balita

Pandaigdigang Araw ng Pangisdaan, sinalubong ng martsa sa Mendiola

,

Nagmartsa patungo sa Mendiola sa Maynila ang mga mangingisda mula sa iba’t ibang prubinsya kahapon, Nobyembre 21, para gunitain ang Pandaigdigang Araw ng Pangisdaan. Pinangunahan ang pagkilos ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) at mga balangay nito.

Siningil ng mga mangingisda ang rehimeng Marcos sa patuloy nitong pagpapatupad ng mga patakaran sa liberalisasyon sa importasyon sa sektor ng pangisda. Ngayong 2024 lamang, hindi bababa sa 38,000 metriko tonelada (MT) ng isda ang inaprubahan ng Department of Agriculture na iaangkat sa Pilipinas. Ginamit na pagdadahilan dito ang “closed fishing season” at epekto ng magkakasunod na bagyo.

Mula 2018-2023, nag-angkat ang Pilipinas ng higit 250,000 MT ng iba’t ibang klase ng pelagic na isda tulad ng galunggong, mackerel, matang baka, bonito at iba pa para sa konsumo. Ayon sa Pamalakaya, karamihan sa mga isdang ito ay mula sa China at Taiwan na bantog sa pangingisda kahit sa karagatang saklaw ng Pilipinas.

Dagdag pasakit rin sa kanila ang pinirmmahan ni Marcos na Administrative Order No. 20 noong Abril na nagpahintulot ng pag-aangkat ng isda para direktang ibenta sa mga palengke. Ayon sa Pamalakaya, ang atas na ito ay malaking pinsala para sa maliliit na mangingisda na hindi nakasasabay sa imported na isda. Sa nakaraan, ang importasyon ng isda ay para sa pagpuproseso at paglalata lamang.

Sa protesta, binatikos ng mga mangingisda ang mapaminsalang mga proyekto sa sektor ng pangingisda kabilang ang reklamasyon sa Manila Bay at iba pang lugar. Inutil rin umano si Marcos sa pagtugon sa kalagayan ng mga mangingisdang Pilipino sa West Philippine Sea dahil sa maka-US at militaristang mga patakaran nito. Dagdag nila, malaking dagok rin ang pag-amyenda ng rehimen sa Fisheries Code of Republic Act 10654 na naglimita sa kanilang pook-pangisdaan.

“Maraming suliraning kinakaharap ang sektor ng mangingisda na hindi tinutugunan ng administrasyong Marcos Jr,” pahayag ni Ronnel Arambulo, ikalawang tagapangulo ng Pamalakaya at kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan.

Ang pagkilos ay sinabayan ng paglulunsad ng Pamalakaya-Panay ng piket sa harap ng kapitolyo ng Iloilo City. Nanawagan ang mga mangingisda ng isla ng suporta, subsidyo at alternatibong mapagkukunan ng kabuhayan sa harap ng fishing ban hanggang Pebrero. Giit din nilang palayasin ang mga sundalong nambubulabog at nanggigipit sa kanilang mga samahan dahil sa pagtindig para sa kanilang karapatan.

Ang Pandaigdiang Araw ng Pangisdaan ay unang ginunita noong Nobyembre 21, 1997 nang binuo ang pandaigdaigang samahan ng mga mangingisda na World Forum of Fisher Peoples. Kasaping organisasyon ang Pamalakaya ng naturang grupo.

AB: Pandaigdigang Araw ng Pangisdaan, sinalubong ng martsa sa Mendiola