Pandaigdigang kumperensya sa karapatang-tao, nanawagan ng makatarungan at pangmatagalang kapayapaan sa Pilipinas
Makatarungan at pangmatagalang kapayapaan sa Pilipinas ang panawagan ng pandaigdigang kumperensyang pangkapayapaan na inilunsad ng International Coalition for Human Rights in the Philippines (ICHRP) sa Bangkok, Thailand noong Nobyembre 7-9. Dinaluhan ang kumperensya ng 120 delegado mula sa 30 organisasyon.
Uminog ang talakayan ng kumperensya sa temang “The Peace We Want” (Ang Kapayapaang Gusto Natin). Tinalakay dito ang mga epekto ng nagpapatuloy na gerang kontra-insurhensya at mga paglabag sa internasyunal na makataong batas sa Pilipinas sa ilalim ng rehimeng Marcos.
Nanawagan ito sa gubyerno ng Pilipinas na magpatupad ng tunay na mga hakbang tungo sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan sa pamamagitan ng pagtugon sa mga ugat ng armadong tunggalian sa bansa.
Ayon kay Peter Murphy, tagapangulo ng ICHRP, ang pagkakamit ng kapayapaan ang nangungunang mithiin ng koalisyon at mahalagang bahagi sa pakikiisa nito sa pakikibaka ng mamamayang Pilipino.
“Kaya naman hinihimok namin ang gubyerno ng Pilipinas na kilalanin ang mga naunang layunin at adyenda ng usapang pangkapayapaan na layong tugunan ang mga ugat ng nagpapatuloy na armadong tunggalian sa bansa–kawalan ng lupa at trabaho, at nakadudurog na kahirapan,” pahayag ni Murphy.
Unilateral o maka-isang panig na tinapos ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) sa ilalim ng dating pangulong Rodrigo Duterte ang pakikipagnegosasyong pangkapayapaan nito sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP) noong Hunyo 2017. Sinundan ito ng pinatinding mga paglabag sa karapatang-tao kabilang ang likidasyon at sadyang pagpatay sa mga konsultant ng NDFP, pag-aresto sa kanila sa patung-patong na mga kaso at paglapastangan sa mga napirmahang kasunduan sa nakaraan.
Walang kibo ang kasunod na hepe ng GRP na si Ferdinand Marcos Jr sa pagbubukas ng usapang pangkapayapaan sa pagitan nito at ng NDFP.
Sa ilalim ng rehimeng Marcos, lima sa 133 biktima ng ekstrahudisyal na pagpaslang ay konsultant ng NDFP. Samantala, mayroong isang kaso ng sapilitang pagkawala ng konsultant ng NDFP.
Dumalo sa pagtitipon at nagbigay ng talumpati si Coni Ledesma, kasapi ng negotiating panel ng NDFP. Itinuro niya ang GRP na responsable sa pagkansela sa ikalimang round ng pormal na pag-uusap na nakatakda noong Hunyo 2017 para aprubahan ang isang “interim na kasunduang pangkapayapaan.” Kabilang dito ang kasunduan sa libreng pamamahagi ng lupa sa pinakamahihirap na mga magsasaka.
Nagbigay din ng talumpati si Silvestre Bello III, kasalukuyang tagapangulo ng Manila Economic and Cultural Office at dating tagapangulo ng GRP Negotiating Panel. Aniya, para makamtan ang kapayapaan sa bansa, hindi lamang dapat pumirma ng mga kasunduan kundi dapat tugunan ang mga ugat ng armadong tunggalian. Aniya, kinakailangang wakasan ang mga suliraning nag-aanak ng insurhensya at diskuntento.
Malaking balakid sa anumang posibilidad ng pagbubukas ng usapang pangkapayapaan ang arbitraryong designasyon sa NDFP, Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan bilang mga teroristang organisasyon sa kumpas ng Anti-Terrorism Council na nilikha ng Anti-Terrorism Act.
Binuo ng ICHRP sa tatlong araw na kumperensya nito ang pangkalahatang programa ng pagkilos ng buong koalisyon mula 2024 hanggang 2027. Anito, ipagpapatuloy ng koalisyon at mga organisasyon sa ilalim nito ang pagsuporta at pagpapakilos para sa hangarin ng mamamayang Pilipino para sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan, sariling pagpapasya at pambansang soberanya.