Mindanao Week of Peace Taong-simbahan sa Mindanao, nanawagang ibalik ang usapang pangkapayapaan sa NDFP at GRP

,

Nanawagan ang mga taong simbahan at relihiyosong grupo na muling buhayin ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP). Ipinahayag nila ito sa inilunsad na Mindanao Week of Peace na ginanap mula Nobyembre 25 hanggang Disyembre 1. Naglunsad sila ng isang interfaith na rali sa Cagayan de Oro City noong Disyembre 1.

Ayon sa ulat ng isang online na pahayagan, ilandaang lider ng simbahan, mga kasapi ng akademya, mga estudyante at kabataan ang dumalo sa naturang pagsasara ng linggo para sa kapayapaan.

Dagdag pa ng ulat, ipinahayag umano ng mga tagapagtaguyod ng kapayapaan kabilang si Iglesia Filipina Independiente-Cagayan de Oro Bishop Felixberto Calang ang panawagan para sa isang “pambansang usapang pangkapayapaan bilang isang posibleng proseso sa pagkakamit ng makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.”

Ani Calang, matutugunan lamang ang mga ugat ng tunggalian tulad ng kahirapan, marginalization ng mga komunidad, at dehumanization kung uupo ang mga negosyador ng NDFP at ng gubyerno at pag-uusapan kung ano ang maaaring gawin.

Pinangunahan ng National Council of Churches in the Philippines (NCCP) at ng Ecumenical Bishops’ Forum ang martsa para sa kapayapaan mula sa Rodelsa Circle tungong kapitolyo ng Misamis Oriental. Nagpadala ng kinatawan ang upisina ng meyor ng syudad sa pagtitipon.

Nauna nang idineklara ng NDFP ang pagiging bukas nito sa usapang pangkapayapaan. Ayon kay NDFP Chief Political Consultant Jose Maria Sison sa isang pahayag noong Hulyo 2022, “Kung handa ang administrasyon na makipag-usap, bakit hindi? Madali lang naman buhayin ang usapan.” Dapat lamang umanong pagtibayin ng GRP o ni Marcos ang nauna nang mga napagkasunduan na dati nang napagkaisahan at pinirmahan ng dalawang partido.

Sa kasalukuyan, walang indikasyon na interesado ang rehimeng Marcos sa pagtataguyod ng makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.

AB: Taong-simbahan sa Mindanao, nanawagang ibalik ang usapang pangkapayapaan sa NDFP at GRP