Mga tindig ng mga kandidato sa pagka-presidente sa usapang pangkapayapaan

Apat sa anim na prominenteng kandidato para sa pagkapangulo ng bansa ang pabor na ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at Government of the Republic of the Philippines (GRP).

Sa porum na inorganisa ng Citizens Alliance for Just Peace (CAJP) ipinahayag ni Sen. Manny Pacquiao noong Pebrero 15 na nauunawaan niya kung bakit humahawak ng armas ang mamamayang Pilipino upang labanan ang gubyerno. Pabor siya na buksang muli ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at ng GRP upang resolbahin ang ugat ng armadong tunggalian.

Ani Pacquiao, “… kung hindi ako naging boksingero, malamang humawak din po ako ng armas at namundok dahil sa kahirapan namin noon”. Bilang paraan para maharap ang mga ugat ng armadong tunggalian kinakailangan ng mamamayan ng tunay na kaunlaran at kabuhayan, pagdidiin niya sa kanyang punto.

Maaalalang nakatakda na sanang lagdaan ng mga prinsipal ng NDFP at ng GRP (na kinakatawan ni President Rodrigo Duterte) ang kasunduang Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms  (CASER) nang ipinatigil ni Duterte ang usapang pangkapayapaan sa pamamagitan ng Proclamation 360 noong Nobyembre 23, 2017.

Kasunod nito, noong Disyembre 5, 2017 ibinaba ni Duterte ang Proclamation 374 na nagbansag sa Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) na “mga terorista”. Kasabay nito ay inilunsad niya ang todo-largang gera laban sa mga rebolusyonaryong pwersa. Sa makailang beses, nangako siyang kanyang dudurugin ang armadong rebolusyon. Ngunit nang muling mabigo ito, ipinaatras niya ang taning bago matapos ang kanyang ligal na termino sa Hunyo 2022.

Pabor din si Leody de Guzman, isa ring kandidato sa pagka-presidente, na muling magbalik sa negosasyon ang magkabilang panig upang ipagpatuloy ang naudlot na usapang pangkapayapaan. Kaugnay nito, kinilala niya ang pangangailangang ipatupad ang tunay na reporma sa lupa upang masagot ang inhustisyang idinadaing ng masang magsasaka.

Sa isang debate na inorganisa ng Sonshine Media Network International (SMNI), naniniwala si De Guzman na kapag seryosong hinaharap ng gubyerno ang usapang pangkapayapaan ay mareresolba ang limang dekadang armadong tunggalian sa Pilipinas.

Bago pa nito, nananawagan sina Vice President Leni Robredo at Mayor Isko Moreno ng Maynila na dapat ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan. Bukas din sila sa panawagang buwagin ang NTF-Elcac at ibasura ang mapaniil na Anti-Terorrism Act of 2020.

Sa kabilang banda, binatikos ng PKP sina Ferdinand (Bongbong) Marcos Jr. at Sen. Panfilo Lacson, mga aspirante din sa pagka-presidente, dahil isinusulong nila ang “local peace talks”. Ayon kay Marco Valbuena, pinuno sa impormasyon ng PKP, ang “local peace talks” sa katunayan ang siyang ipinalalaganap ng tiranong si Duterte at ng kanyang huntang sibil-militar na NTF-Elcac.

Ayon kay Valbuena, nagsisilbi lamang bilang isang sandata para sa kontra-insurhensya ang “local peace talks”. Hindi magkatugma ang usapang pangkapayapaan ng NDFP at ang isinusulong ng GRP, Lacson at Marcos Jr. na “local peace talks” dahil ito ay ginagamit ng reaksyunaryong gubyerno para magsagawa ng saywar at operasyong intelidyens laban sa mamamayan at sa kanilang hukbong bayan.

Sa tabing ng pagdaos ng usapan sa “grassroot level,” pakay nitong atakehin at wasakin ang nagsasariling mga samahan ng mamamayan upang isabotahe ang kanilang pagkakaisa at kuhaan sila ng kakayahang ipagtanggol ang kanilang lupa, kanilang mga karapatan at kagalingan.#

AB: Mga tindig ng mga kandidato sa pagka-presidente sa usapang pangkapayapaan