Balita

Pang-aagaw ng lupa at kagutuman sa kanayunan, itinampok sa mga protesta ng magsasaka

,

Naglunsad ng magkasunod na protesta ang mga grupo ng magsasaka at kababaihan sa kanayunan noong Oktubre 15 at 16 para gunitain ang internasyunal na araw ng kababaihan sa kanayunan at World Food(less) Day.

Pinangunahan ng Amihan ang piket ng kababaihan mula sa Bulacan, Laguna at Cavite sa harap ng Department of Agrarian Reform (DAR) para iprotesta ang nagpapatuloy na kawalan ng tunay na repormang agraryo sa bansa.

Itinampok nila ang ilang kaso ng pang-aagaw ng lupa at pagpapalit-gamit ng mga lupang agrikultural na pumipinsala sa mga magsasaka. Kabilang dito ang kaso ng pang-aagaw sa Araneta Estates sa San Jose Del Monte City; Lupang Ramos sa Dasmariñas, Cavite; Hacienda Luisita sa ilalim ng TADECO, Aboitiz, at Ayala Land Inc; mga lupa kung saan kinansela ang mga CLOA at CLT sa Nueva Ecija; 6,000-ektaryang lupa na sinaklaw ng oil palm plantations sa Negros; mga lupang sinaklaw ng mga proyekto ng estado tulad ng reklamasyon at Laguna Lake Road Network na magreresulta sa malawakang pagpapalayas sa mga magsasaka.

Iginiit ng mga kababaihang magsasaka ang tunay na reporma sa lupa, makatarungang presyo ng kanilang mga ani at kaparatan sa pagkain at lupa.

“Pinangungunahan ng kababaihang magsasaka ang laban para sa makatarungan at patas na kinabukasan,” pahayag ni Cecil Rapiz, tagapangulo ng Alyansa ng Magbubukid sa Bulacan.

Kulang ang suportang tinatanggap ng kababaihan sa kanayunan, aniya. “Madalas na pinapaboran ng gubyerno ang mayayaman, habang ang kababaihan sa kanayunan ay hindi isinasali. Malala, ang mga nagpapahayag ng kanilang pagtutol ay ginigipit.”

Sa sumunod na araw, Oktubre 16, kasama ang kababaihan sa mga magsasaka at mangingisda na nangalampag sa Department of Agriculture para batikusin ang neoliberal at inutil na mga patakaran at programa ng rehimeng Marcos na nagpapalala sa kagutuman sa bansa.

“Pangarap ng Pangulo na wala nang gutom na Pilipino sa 2027 subalit paano ito mangyayari kung puro palpak ang programa ng DA at gubyerno para pababain ang presyo ng bigas. Palaging magiging tinik sa dibdib ni Marcos Jr ang bigong pangako niyang ibaba sa ₱20 ang kada kilo ng bigas,” pahayag ng Kilusang Magbubukid sa Pilipinas. Napakataas na ng presyo ng mga bilihin, hindi pa sapat ang kita ng mga Pilipino kung kaya’t dumarami ang naghihirap at nagugutom, anito.

Inalmahan din ng mga magsasaka ang patakarang importasyon na kinukunsinti ng DA na pumipinsala sa lokal na produksyon.

“Maraming pamilyang Pilipino ang hindi na kumakain ng tatlong beses sa isang araw dahil sa kahirapan. Ito ang legasiya ni Marcos Jr—mas dumaraming mahihirap kahit pa bilyun-bilyon ang nakalaang badyet ng gubyerno para umano sa ayuda,” ayon sa KMP.

Ang mga protesta ay bahagi ng paggunita ng mga pambansa-demokratikong organisasyon sa Buwan ng Magsasaka. Liban dito, isinagawa ng mga grupong magsasaka ang mga pag-aaral at iba pang mga aktibidad sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Inilunsad din nila ang mga “bagsakan” ng mga ani ng mga kasaping organisasyon sa Metro Manila at Cebu.

AB: Pang-aagaw ng lupa at kagutuman sa kanayunan, itinampok sa mga protesta ng magsasaka