Pang-aagaw ng lupa sa Nueva Ecija para sa proyektong solar, kinundena ng mga magsasaka
Mariing kinundena ng Karapatan Central Luzon ang nagpapatuloy na panggigipit, pananakot, at panunupil ng mga tauhan ng Terra Solar Philippines Inc. (TSPI) sa mga magsasakang tutol sa pagpapalawak sa itinatayong Terra Solar Project sa Gapan, Nueva Ecija.
Noong Abril 22, naiulat ng Radyo Natin Guimba ang pwersahang png-aagaw ng lupa at paninira ng kumpanya sa mga tanim at puno sa Sityo Sangilo, Barangay Macabaclay, Gapan City nang walang pagsang-ayon ng mga magsasaka.
Ang Terra Solar Projects ay malakihang solar at battery energy storage na sasaklaw sa 3,500 ektaryang lupang agrikultural sa mga bayan ng Nueva Ecija at Bulacan. Nakatakda itong maging pinakamalaking solar at battery facility sa buong mundo. Ang TSPI ay subsidiary ng SP New Energy Corporation na kontrolado ng Meralco PowerGen Corporation, ang renewable energy arm ng Meralco na pagmamay-ari ni Manny Pangilinan. Katuwang din sa proyekto ang Actis, kumpanyang nakabase sa United Kingdom, na may 40% na pagmamay-ari sa proyekto.
Ayon sa grupo, ang sunud-sunod na insidente ng pananalakay, paninira ng bakod, at presensya ng mga pribadong gwardya ng kumpanya at mga pulis ay malinaw na pagpapakita kung paano ginagamit ang kapangyarihan at dahas upang ipatupad ang interes ng malalaking negosyo.
“Hindi maituturing na tunay na makakalikasan at makatao ang renewable energy kung ito ay nakabatay sa land conversion, pang-aagaw ng mga korporasyon ng lupa, at marahas na panunupil sa mga komunidad… Nagdudulot lamang ito ng malawakang pagpapalit-gamit ng lupang agrikultural, pagkasira ng lokal na produksyon ng pagkain, at pagpapalayas sa mga magsasaka sa kanilang kabuhayan,” paliwanag ng grupo.
Anito, higit na nakababahala na kasabay ng mga proyektong ito ang paggamit ng pribadong maton at mga armadong galamay ng estado upang supilin ang pagtutol ng mamamayan. Ang militarisasyon at pananakot ay tahasang paglabag sa karapatang-tao at demokratikong karapatan ng mamamayan na magpahayag at lumaban para sa kanilang lupa at kabuhayan.
Dagdag dito, sa halip na paunlarin ang produksyon ng pagkain at suportahan ang mga magsasaka, inuuna ng rehimeng US-Marcos ang mga proyektong kumakamkam sa matabang lupang sakahan para lamang sa “renewable energy transition” na lalong nagpapalala sa kawalang katiyakan sa seguridad sa pagkain ng bansa.
Nananawagan ang Karapatan Central Luzon sa Commission on Human Rights na imbestagahan ang mga insidente ng panggigipit sa mga residente ng Gapan at papanagutin ang lahat ng sangkot sa pananakot at panunupil sa mga mamamayan.