Panggigipit ng militar at pulis sa konstruksyon ng mga bangka sa Mindoro, binatikos

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Binatikos ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) at Southern Tagalog People’s Corps (STPC) ang panggugulo at intimidasyon ng mga militar at pulis sa mga mangingisda at makataong grupo na nagsasagawa ng Boat Construction Project sa Naujan, Oriental Mindoro sa nagdaang mga araw. Matapos na guluhin ang programa, walang kahihiyan namang ipinahayag ngayong araw ng berdugong 1st Company, 2nd CMO Battalion na ang programa ay bahagi ng kampanya ng National Task Force-Elcac.

Ayon sa Pamalakaya, isinasagawa ang proyekto sa Barangay San Jose Uno sa pagtutulungan ng STPC at ng Samahan ng mga Mangingisda ng Naujan (SAMANA), sa pakikipag-ugnayan sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Central Office at sinimulan noong Pebrero 5. Layunin ng naturang proyekto na mamahagi ng mga bangka at kagamitan sa pangingisda sa mga kasapi ng Pamalakaya-Oriental Mindoro na naapektuhan ng oil spill noong nakaraang taon.

Iniulat ng STPC na sa unang araw pa lamang ng proyekto ay naantala na ito dito dahil sa paghahanap ng mga sundalo ng bagong permit (sanitary permit) at rekisito tulad ng dagdag na mga fire extinguisher na hinahanap naman ng Bureau of Fire Protection-Oriental Mindoro.

Nangamba umano ang mga mangingisda na hindi matuloy ang proyekto kahit na maagap at maagang ikinoordina ito sa lokal na gubyerno ng Naujan at BFAR Regional Office dahil sa ganitong mga panggugulo ng mga sundalo.

Kaugnay nito, nanawagan ang STPC, kasama ang mga lokal na mangingisda, sa publiko at tanggapan ng gubyerno sa agarang pagpapaalis ng pulis at militar. “Nagbibigay takot ang kanilang presensya dahil sa kanilang pagdadala ng baril, walang pahintulot na pagkuha ng litrato at madalas na pagtatanong ng mga pribadong impormasyon sa mga lokal na mangingisda at lider-boluntir ng STPC,” pahayag pa ng grupo.

“Walang kahit anong kinalaman ang militar at pulis sa konstruksyon ng mga bangka, dahil ang proyekto namin ay naikoordina at katunayan ay may pakikipagtulungan sa BFAR mismo,” pahayag ni Nimuel Yangco ng STPC-Ayuda Para sa Mindoro Taskforce.

Aniya, wala siyang nakikitang kahit anong rason para sa pagpupumilit na pakikialam ng militar sa proyektong pangkabuhayan liban sa kadahilanang sila ay isang progresibong organisasyon. “Lantaran itong harasment at paglabag sa aming karapatan sa kabuhayan,” ayon kay Yangco.

Pagbabahagi niya, ang naturang proyekto ay resulta ng pagkilos ng kanilang komunidad para makahingi ng ayudang pangkabuhayan mula sa pambansang gubyerno sa harap ng matagalang epekto ng oil spill sa kanilang pangisdaan. “Sa kabila nito, binabalewala ng militar at pulis ang kanilang kolektibong pagsisikap sa kanilang intimidasyon at presensya sa konstruksyon,” pahayag pa niya.

Walang kahihiyang ipinamamandila ng militar ang kasinungalingan na bahagi umano sila ng proyekto.

AB: Panggigipit ng militar at pulis sa konstruksyon ng mga bangka sa Mindoro, binatikos