Panggigipit sa 2 lider-kabataan sa CDO, kinundena
Sa gitna ng malawak na galit ng mamamayan laban sa katiwalin, lalong pinatitindi ng rehimeng Marcos ang panggigipit at panunupil sa kabataan at mamamayan.
Sa Cagayan de Oro, dalawang kabataang aktibista, isa ang koordineytor ng Kabataan Party-list Northern Mindanao (KPL) at myembro nitong si Cyrus Adrian Rom, ang lantarang tiniktikan sa malinaw na layuning takutin sila.
“Rain or shine ang pasismo ng estado! Imbes na ikulong ang mga kurakot, walang humpay ang atake ni Marcos Jr. sa kabataan at mamamayang Pilipino!” pahayag ng Kabataan Party-list sa Northern Mindanao (KPL-NMR), organisasyong kinabibilangan ng dalawa.
Noong Nobyembre 5, binuntutan ng isang lalaking nakamotorsiklo ang koordineytor ng KPL-NMR. Sinundan siya hanggang makapasok sa Xavier University kung saan siya nag-aaral. Noong Nobyembre 3, tiniktikan naman ang kanyang magulang. Kinundena ng KPL-NMR ang dalawang insidente na hindi lamang banta sa kanyang seguridad, kundi pati na rin sa kanyang mga magulang.
Noong Nobyembre 4, binuntutan din si Rom, dating tagapangulo ng Anakbayan-Cebu, ng tatlong pulis na may dalang .45 pistola. Sinundan siya hanggang makapasok sa isang cafe.
“Hindi maikakailang parehong padron ng paninindak ang ginagawa ng estado, sa mga kritikal na kabataang hinainan ng subpoena dahil lang sila ay nagprotesta laban sa kurapsyon,” anito. Imbes na ikulong ang mga kurakot, ang mga kabataan at mga ordinaryong mamamayan ang dinadahas at tinatakot ng PNP at AFP, kasama ang NTF-Elcac.
“(Dapat) itigil na ang paniniktik sa mga aktibista at progresibong mamamayan. Dapat din itigil ang mga confidential intellegence funds na ginagamit para maniktik sa mga aktibista at gamitin ang pondong ito para sa mga serbisyong pangtao,” anito.
Hinimok ng KPL-NMR ang kapwa kabataan na labanan ang pasismo ng estado at ng rehimeng Marcos.