Panggigipit sa mga Pilipinong tagapagtanggol sa karapatang-tao, malawakang kinundena

,

Walong internasyunal na organisasyon sa karapatang-tao at 34 sa rehiyon ng Asia Pacific ang nagpahayag ng suporta sa mga Pilipinong tagapagtanggol sa karapatang-tao laban sa walang tigil na pangigipit laban sa kanila ng reaksyunaryong estado.

Pinirmahan ng Asian Forum for Human Rights and Development (FORUM-ASIA), Amnesty International, the Asia Pacific Forum on Women, Law and Development (APWLD), Front Line Defenders, the International Federation for Human Rights (FIDH), International Network for Economic, Social and Cultural Rights (ESCR-Net), ang International Service for Human Rights (ISHR), World Organisation Against Torture (OMCT) at iba pa ang isang pahayag kahapon, Agosto 22, na kumukundena sa judicial harasment (panggigipit gamit ang batas) sa Karapatan at mga alyado nitong organisasyon.

“Sumusuporta kami sa universality, indivisibility at interdependence ng karapatang-tao,” ayon sa pahayag. “Mariin naming kinukundena ang panibagong hudisyal na panggigipit sa 10 human rights defender (HRD) na napawalangsala sa kasong perjury noong Enero 9, 2023.”

Ang 10 HRD ay ang mga myembro ng pambansang konseho ng Karapatan an sina Elisa Tita Lubi; Cristina Palabay; Roneo Clamor; Gabriela Krista Dalena; Dr. Edita Burgos; Jose Mari Callueng; Fr. Wilfredo Ruazol; at mga lider ng Gabriela na sina Joan May Salvador at Gertrudes Libang; at ang koordineytor ng Rural Missionaries of the Philippines na si Sr. Elenita Belardo.

Ang gawa-gawang kasong isinampa laban sa kanila ni Gen. Hermogenes Esperon, noo’y National Security Adviser, ay ibinasura ng korte noong Enero 9. Bilang tugon, naghain si Esperon ng petisyon para repasuhin ang desisyon. Nakatakdang dinggin ang petisyon sa darating na Agosto 29.

“Nakaaalarma ang patuloy na paggamit sa Anti-Terrorism Act para supilin at pahirapan ang mga HRD,” ayon sa pahayag. Batid nitong di bababa sa 13 pang aktibista mula sa Southern Tagalog ang nahaharap ngayon sa gawa-gawang mga kaso gamit ang batas na ito. Nakikita ng mga internasyunal na grupo ang paggamit sa ATA para gawing hindi lehitimo ang pagtatanggol sa karapatang-tao.

“Ang gayong agresibong pang-aatake sa mga tagapagtanggol ay hindi lamang lumalabag sa pundamental na mga kalayaan, kundi sumasagka rin sa krusyal na gawain sa pagtatanggol at pagpapalaganap ng karapatang-tao para sa lahat,” anila.

AB: Panggigipit sa mga Pilipinong tagapagtanggol sa karapatang-tao, malawakang kinundena