Panggigipit sa mga residente ng Gubat ng mga tauhan ni Rep. Lee, nagpapatuloy
Nagpapatuloy ang panggigipit ni Rep. Wilberto Lee, kinatawan ng AGRI-Partylist sa mga tumututol sa kanyang pang-aagaw ng lupa sa Barangay Cogon, Gubat, Sorsogon.
Noong hapon ng Oktubre 31, namumulot ng kahoy sina Asuncion Rosal at Rosana Almenie, mga residente ng naturang barangay, nang muntikan na silang tagain ng nag-aamok na empleyado ng kumpanya ni Lee na nagngangalang Abel. Tauhan ni Lee si Abel sa pagmamay-ari nitong LKY Resorts and Hotels Inc. Pagkatapos ng insidente ay inatake naman ni Abel ang bakod sa lugar.
Bago ang naturang insidente, ilang beses nang naghain nang reklamo sa barangay council ang mga residente dahil sa sunud-sunod na insidente ng pananakot at panggigipit ng mga tauhan ng LKY.
Matatandang ibinasura ng korte noong Agosto ang kasong isinampa ni Lee laban sa mga myembro ng Kulag, samahan ng mga mangingisda sa Gubat. Layunin ng kaso na palayasin sila at kamkamin ang 28,473 metro-kwadradong lupain sa Barangay Cogon.
Ayon sa Kulag, patuloy na iginigiit ng mga residente na pigilan ng lokal na gubyerno ang ganitong mga pandarahas laban sa mga residente habang hindi pa nareresolba ang usapin sa pagmamay-ari ng lupa sa barangay.