Panghihimasok ng kapulisan sa Bicol University, kinundena ng mga konseho at organisasyon
Nagpahayag ng pakikiisa at pagkundena ang 26 na organisasyon, konseho ng mga estudyante at publikasyon mula sa limang prubinsya sa Bicol sa naganap na pang-aatake ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police sa mga kabataan at estudyante sa Bicol University.
Noong Setyembre 10, sa founding anniversary ng College of Social Science and Philosophy sa Bicol University, pumasok ang mga pulis at trainee na may dalang mahahabang armas sa pamantasan nang walang pahintulot. Hinalihaw nila ang kampus at kinuhaan ng litrato ang mga estudyante. Nang kumprontahin sila ng mga guro, tumanggi pa silang burahin ang mga litrato at iwinasiwas ang kanilang armas para manakot.
Habang naglulunsad ng pag-aaral at paghahanda ang mga estudyante noong Setyembre 19 para sa Buenos Kontra Korapsyon sa Setyembre 21, sa harap ng BU College of Science, may mga upisyal ng Reserve Officers’ Training Corps na naniniktik at kumukuha ng mga litrato sa aktibidad. Nang kumprontahin, agad nilang binura ang mga litrato bago sila umalis.
“Kinukundena namin ang anumang banta para gawing normal ang presensya ng kapulisan sa loob ng mga kampus, at patuloy naming ipagtatanggol ang aming unibersidad bilang espasyo para sa kaligtasan, malayang pamamahayag at akademikong kalayaan,” pahayag ng mga estudyante.
Anila, hindi katanggap-tanggap ang pananakot at pag-monitor ng mga ahente ng estado sa mga estudyante na lumalahok sa mga aktibidad sa loob ng unibersidad.
“Ang mga eskwelahan ay sona para sa kaligtasan, pagkatuto, at kritikal na pag-iisip, hindi lugar para sa pananakot ng mga armadong tauhan,” paliwanag sa pahayag.
Ang mga insidente na ito ay nagpapakita ng nagpapatuloy na panggigipit at surbeylans sa mga estudyante sa Bicol. Ilang taun nang kumakaharap ng Red-tagging, paninira at iba pang porma ng pang-aatake ng estado ang mga konseho, organisasyon at publikasyon sa iba’t ibang mga unibersidad at pamantasan sa rehiyon.
Dagdag dito, mas lumala ang klima ng pananakot sa mga kampus nang binuo ang National Task Force-Elcac, at pagsabatas ng Anti-Terror Law. Ang mga polisiya na ito ay naglikha ng kultura na kahit simpleng pagpapahayag ng hinaing ng mga estudyante ay humahantong sa panggigipit, Red-tagging at paniniktik.
Sa halip na tugunan ang pangangailangan ng mamamayan, sinasayang ng estado ang pondo ng mamamamayan upang sikilan ang karapatan ng kabataan, ang sektor na matagal nang naninindigan para sa katotohanan at hustisya, ayon sa pahayag.
“Nananawagan kami sa lahat ng mga organisasyon ng mga estudyante sa rehiyon na tumindig kasama namin. Manatili tayong mapagmatyag, at ilantad lahat ng nagtatangka na patahimikin tayo. Igiit natin ang ating karapatan para mag-organisa at magpahayag,” panawagan ng National Union of Students in the Philippines-Bicol.
Kabilang sa mga organisasyon at konseho na nagpahayag ng pakikiisa ang sumusunod: Legal Management Institute of Ateneo de Naga Students, The PILLARS Publication, Liga ng mga Estudyante sa Agham Pampolitika, Ateneo de Naga University – Liderato kan Nueva Atenista, Junior Philippine Institute of Accountants – ADNU Chapter, Samahang Tagapagtaguyod ng Edukasyong Pilipino, Dulaang Agabaab, Bicol University Pre-Law Society, Scientia Online,Bicol University – Young Philosophers Society, Bicol University College of Science – College Student Council, Bicol University – Political Science Club, BUCIT College Student Council, Bicol University Debate Society,The Mentor – BUCE, Cassipi Online, Bicol University College of Engineering – College Student Council, Gymnus Kinesis Biscast, USI – Central Student Government, USI – Association of Psychology Students, The DEMOCRAT, CatSU Pre-Law Society, Aquinian Herald, CNSC College of Education-Student Government, SorSU Supreme Student Council – Sorsogon City