Panibagong ekstensyon sa konsolidasyon ng prangkisa ng dyip, desperasyon ng rehimeng Marcos
Binatikos ng mga grupo ng karaniwang tsuper at opereytor ng dyip ang inilabas na Memorandum Circular No. 2024-043 ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) noong Disyembre 5 na naglalayong palawigin na namang muli ang palugit ng sapilitang konsolidasyon ng prangkisa ng mga dyip. Anila, ang hakbang na ito ay malinaw na nagpapakita sa desperasyon ng rehimeng Marcos at nagpapatunay ng malawakang kapalpakan ng anti-mahirap at makadayuhang Public Transport Modernization Program (PTMP, dating PUVMP).
Ayon sa Piston (Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide), layunin pa rin nitong pilitin ang mga tsuper at opereytor ng mga tradisyunal na dyip na pumaloob sa konsolidasyon at PTMP. Iniusod ng LTFRB ang dedlayn hanggang Disyembre 31 at pinahihintulutan ang pagyahe ng mga mayrong “provisional authority o PA”. “Ang totoo, ‘di lang maamin ng LTFRB na palpak ang programa nila kaya puro pantapal lang na extension ang laging ginagawa nito,” anang grupo.
Sa nagdaang dalawang taon, ilang beses nang nagpatupad ng pagpapalawig ng palugit ang LTFRB para ampatin ang malawakang krisis sa transportasyon na idinudulot ng kanilang bulok na PTMP. Ayon sa Piston, marami sa mga opereytor na napilitang mag-apply sa konsolidasyon na humabol sa dedlayn noong nakaraang taon ang hanggang ngayon ay hindi pa rin naipoproseso ng LTFRB.
“Ang gusto kasi ng gubyerno, ay direktang isuko na ng maliliit na operator ang kanilang mga prangkisa sa malalaking korporasyon at kooperatiba para mamonopolyo nila ang mga rutang matagal na itinaguyod at pinakikinabangan ng mga ordinaryong Pilipino,” pahayag ng grupo.
Ganito rin ang sentimyento ng grupong Manibela (Samahang Manibela Mananakay and Nagkaisang Terminal ng Transportasyon). Anang grupo, walang bago dito at patuloy na maraming nililinlang na karaniwang mamamayan ang pgorama. “Ngayon taon-taon na ang extension ng [provisional authority para sa pagbyahe] na dati ay limang taon ang validity ng ating mga prangkisa!”
Sa harap ng lalo pang pagkakalantad sa kabulukan at mga kasinungalingan ng LTFRB at ng gobyerno ni Marcos, nanawagan ang Piston at Manibela na ipagpatuloy ang kanilang laban para sa karapatan sa prangkisa at kabuhayan. “Meron tayong sama-samang pagkilos na hindi kayang matibag ng sinuman sa kadiliman at kasamaan!” anang Piston.