Panibagong iligal na pag-aresto at panggigipit ng 94th, naitala sa Himamaylan City
Muling naghasik ng lagim ang mga sundalo ng 94th IB sa Himamaylan City, Negros Occidental noong Enero 14 at 15. Iligal na inaresto ng mga berdugo ang mga sibilyan sa komunidad kung saan hindi pa natutunton ng mga kaanak ang kinaroroonan ng ilang mga biktima.
Sa Sityo Palosais, Barangay Mahalang, inaresto ng 94th IB ang isang nagngangalang Dado Sanchez noong Enero 14. Ayon sa mga residente, nagtungo ang biktima sa kanyang ulingan at pagkatapos ay hindi na nakabalik. Pinilit umano ng mga sundalo si Sanchez na magsilbing giya sa operasyong kombat ng mga ito, bagay na labag sa internasyunal na makataong batas.
Sa Sityo Nahulop, Barangay San Antonio, dinakip ng mga sundalo ang isang Aira Gonzales at Alfredo Hilado noong Enero 15. Dumanas naman ng pambubugbog ang asawa ni Gonzales na si Joseph at ang kasama niyang kapitbahay sa barangay na iyon mula sa kamay ng mga sundalo. Pinalalabas ng mga sundalo na nakumpiska sa kanila ang isang .45 kalibreng pistola, mga bomba, at dokumento. Hindi pa natutunton ang kinaroroonan ng dalawa.
Sa araw ding iyon, iligal na kinumpiska ng mga sundalo ng 94th IB ang mga selpon ng mga residente ng Sityo Nahulop. Pagdadahilan ng mga sundalo, kinuha nila ang mga ito dahil mayroong kaugnayan sa Bagong Hukbong Bayan ang mga residente.
Ang serye ng mga karahasang militar na ito ay tahasang paglabag sa internasyunal na makataong batas at sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na pinirmahan ng Gubyerno ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
Nagsisilbing kumander sa kasalukuyan ng 94th IB si Ltc Ziegfred Tayaban. Nakapailalim ang batalyon sa kumand at kontrol ng 3rd ID na pinamumunuan ni MGen Marion Sison.