Balita

Panibagong serye ng pagdakip ng US sa mga manggagawang Pilipino sa barko, kinundena

,

Naglunsad ng protesta ang Tanggol Migrante Movement (TMM) noong Setyembre 14 sa Carnival Cruise Line terminal sa Baltimore, Maryland upang kundenahin ang panibagong kaso ng pagdakip at pagdeport sa mga manggagawang Pilipino sa barko nang walang tamang proseso. Lumahok din sa protesta ang Migrante USA, Baltimore Rapid Response at Malaya Movement Baltimore.

Noong Setyembre 7, dinakip ng mga ahente ng Customs and Border Protection (CBP) ang apat na manggagawang Pilipino sa barko ng Carnival Cruise. Inimbestigahan sila ng CBP hinggil sa pagkakaroon nila ng iligal na droga. Kalaunan ay pinilit silang pumirma sa isang dokumento na umaamin na mayroon silang bidyo ng pornograpiya ng mga bata.

Ilang minuto bago sinimulan ang protesta, naiulat na karagdagang 18 manggagawa sa barko ang dinakip ng CBP. Dagdag sila sa halos 200 Pilipinong migrante na pinadeport nang hindi dumaan sa tamang ligal na proseso.

“Hindi nila kinilala ang karapatan ng mga manggagawa. Karapat-dapat silang tumanggap ng katarungan at tulong, laluna kapag may mga paratang na wala namang ebidensya,” pahayag ni Philip Coronado, dating manggagawa sa barko.

Sa protesta, inihayag ni Coronado ang karanasan niya bilang dating manggagawa at ang sistematikong pang-aabuso sa mga manggagawa sa barko tulad ng di pantay na pasahod, mahirap na kundisyon sa paggawa at banta na ma-blacklist sa industriya.

Kinundena ng Migrante USA ang patuloy na pagpapabaya ng gubyerno ng Pilipinas sa manggagawang Pilipino. “Kung kaya ng South Korea na makipagnegosasyon para sa kanilang mga manggagawa na dinakip sa Georgia, bakit hindi ito kayang gawin ng ating gubyerno?” tanong ni Jom Delor ng Migrante USA.

Hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring pahayag ang mga pribadong kumpanya, gayundin ang embahada ng Pilipinas sa US, hinggil sa mga insidente ng deportasyon.

Nanawagan ang TMM at mga alyado nito na pormal na imbestigahan ng Kongreso ng Pilipinas ang mga insidente, maghain ng diplomatikong protesta ang gubyerno ng Pilipinas, at kagyat na bigyan nito ng suporta ang mga manggagawang napadeport at kanilang pamilya. Nanawagan din ang mga ito ng pananagutan mula sa Carnival Cruise Line.

“Malaki ang isinasakripisyo ng mga manggagawa sa barko para sa kanilang pamilya at mahalaga ang kanilang ambag sa ekonomya ng mundo. Karapat-dapat silang protektahan, hindi gipitin at ipadeport,” panawagan ni Coronado.

AB: Panibagong serye ng pagdakip ng US sa mga manggagawang Pilipino sa barko, kinundena