Balita

Panibagong tangkang demolisyon sa Sityo Balubad sa Angeles City, binibigo

Muling binigo ng mga residente ng Sityo Balubad, Barangay Anunas, Angeles City ang isa na namang tangka ng pulis, kasabwat ang Clarkhills Properties Corporation, na idemolis ang kanilang komunidad simula noong Pebrero 7. Hindi bababa sa 100 pulis at mga myembro ng SWAT, dagdag sa 50 katao, ang ipinadala sa sityo para gamitin sa sapilitang pagpapalayas sa mga residente.

Apektado ng planonng demolisyon ang mahigit 500 kabahayan sa 72-ektaryang lupang kinakamkam ng naturang kumpanya. Tinatayang 2,000 residente ang biktima ng pang-aagaw ng lupa. Liban dito, pinangangambahan ding maapektuhan ng pangangamkam at demolisyon ang katabing mga barangay ng Cuayan at Sapangbato.

Sa kabila ng kawalan ng memorandum order ay muling sapilitang pinasok ng mga pulis, SWAT at tim para sa demolisyon ang barikada ng mamamayan sa Sityo Balubad. Ninakawan na, binugbog pa ng mga berdugo at sinugatan sa paa ang may-ari ng bahay na tinangka nilang gibain. Kaagad na rumesponde ang ibang mga residente at nagdepensa sa kanilang komunidad.

Walang pakundangan ang mga pulis sa paninindak sa mga residente. Kinasahan nito ng baril ang mga sibilyan. Pinagbababato ng tim sa demolisyong ang mga residente kung saan 20 ang nasugatan. Bumalik pa kinabukasan ang mga pwersa ng estado at tim sa demolisyon at sapilitang pinasok ang barikada.

Dahil sa pagkakaisa at pagtatanggol ng mga residente, muli nilang napalayas ang mga pulis at napigilan ang demolisyon. Ganito rin ang nangyari noong Oktubre 2023 nang tangkaing buwagin ang kanilang barikada para isagasa ang demolisyon.

Giit ng mga pamilya sa sityo, pag-aari nila ang lupa at mayroon silang mga certificate of land ownership award (CLOA) at resibo ng buong kabayaran nito sa Landbank of the Philippines.

Ipinabatid rin muli ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luson (AMGL), panrehiyong balangay ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, ang kanilang suporta sa mga residente. Binatikos ng AMGL si Mayor Pogi Lazatin na nagbitiw ng pangakong walang mangyayaring demolisyon. Sa gitna ng karahasan at kaguluhang ginagawa ng mga pulis, nananatili umanong tikom ang bibig ni Lazatin.

“Mayroon ding inilabas na Resolusyon ang Sangguniang Panlungsod kung saan nakasaad na walang demolisyon kung walang relokasyon ang mga mabibiktima pero hanggang ngayon ay walang kahit anong aksyon ang munisipyo para ipagtanggol ang karapatan ng kanyang mga nasasakupan!” ayon pa sa grupo.

Kinundena rin nila ang mga pulis at SWAT na nagpapagamit sa pribadong kumpanyang Clarkhills na nandahas sa mga residente.

Samantala, sinabi ng grupo na hindi hiwalay ang ganitong sitwasyon ng Sityo Balubad sa iba pang bahagi ng rehiyon. Bahagi umano ito ng mga agresibong proyektong “pangkaunlaran” sa buong prubinsya ng Pampanga at maging sa Central Luzon na para lamang sa ganansya ng iilan. Bahagi ito ng grandyosong planong Greater Capital Region na inilalako ng mga negosyante at mayayaman, paliwanag ng grupo.

AB: Panibagong tangkang demolisyon sa Sityo Balubad sa Angeles City, binibigo