Balita

Panukala kontra pambabastos sa kababaihan sa panahon ng kampanya sa eleksyon, inihain ng Gabriela Women's Party

,

Naghain ang Gabriela Women’s Party (GWP), sa pangunguna ng kasalukuyan nitong kinatawan sa si Rep. Arlene Brosas, ng panukalang “Bawal Bastos sa Eleksyon Bill” noong Abril 9. Tugon ito ng partido sa kamakailang mga ulat ng pambabastos at kontra kababaihang pahayag ng mga kandidato sa eleksyong 2025.

Nais ng partido ng kababaihan na mapabilang sa mga batayan ng diskwalipikasyon sa pagkakandidato sa lokal at pambansang eleksyon ang mga naglalabas ng mga pahayag na kontra at mapangliit sa kababaihan.

“Ang mga bastos at mapanghamak na pananalita laban sa kababaihan ay hindi dapat maging kalakaran sa ating pulitika. Dapat may pananagutan ang mga kandidatong gumagamit ng plataporma upang magpalaganap ng diskriminasyon, lalo na sa kababaihan at LGBTQ,” kay Rep. Brosas, kasalukuyan ring kandidato sa pagkasenador.

Nais ng panukala na amyendahan ang Seksyon 68 at 261 ng Omnibus Election Code para matugunan ang kritikal na usapin sa regulasyon sa eleksyon na kasalukuyang walang malinaw na pagbabawal sa panghahamak ng mga kandidato sa kababaihan.

Sa nagdaang ilang linggo, kabilang sa mga kasong naitala ang mga pahayag ng kandidato pagka-gubernador ng Misamis Oriental na si Peter Unabia, kandidato pagka-kongresista sa Pasig na si Christian Sia at kandidato pagkasenador ng partido ni Duterte na si Jimmy Bondoc. Lahat sila ay ipinatawag na ng Commission on Elections para kausapin hingil sa kanilang mga pahayag.

Ayon kay Rep. Brosas, hindi lamang isang simpleng ligal na hakbang ang kanilang panukala kundi isang mahigpit na pahayag na hindi dapat pinalalampas ang paglapastangan sa dignidad ng kababaihan. Dagdag pa ng lider-kababaihan, naghahatid ito ng malinaw na mensahe na ang mga pahayag na seksista, pagturing sa kababaihan bilang bagay, at diskriminasyon ay walang lugar sa demokratikong talastasan.

“Ang panukalang Bawal Bastos sa Eleksyon Bill ay isa sa aming magiging priority legislation sa 20th Congress. Inaasahan namin ang suporta ng kababaihan sa pagsusulong ng batas na ito,” pahayag ni Sarah Elago, unang nominado ng GWP. “Sa bawat babaeng sinabihang manahimik na lang, sa lahat ng kababaihang binastos: Sama-sama nating labanan ang abuso at panagutin ang mga abusadong kandidato,” aniya.

Suportado ng alyansa ng kababaihan na Gabriela ang panukala ng GWP. “Ang pagsusulong ng ‘Bawal Bastos sa Eleksyon’ Bill ay matagal nang kailangan. Dapat nang magpatupad ng reporma sa electoral system nating nagpapahintulot sa mga kandidatong magpalaganap ng mapanghati at mapang-abusong pananalita laban sa kababaihan nang walang karampatang parusa,” ayon kay Clarice Palce, pangkalahatang kalihim ng grupo.

Nanawagan si Palce sa mga kababaihang botante na gamitin ang kanilang kapangyarihan sa eleksyon para itakwil ang mga kandidatong nanghahamak sa kababaihan. “Sa darating na halalan, kailangan nating piliin ang mga kandidatong may tunay na paggalang sa kababaihan—hindi lamang sa salita, kundi higit lalo sa gawa. Maging mapagmatyag at mapanuri ngayong eleksyon! Zero votes for misogynists!” panawagan ni Palce.

AB: Panukala kontra pambabastos sa kababaihan sa panahon ng kampanya sa eleksyon, inihain ng Gabriela Women's Party