Panunupil at pagpapatahimik ng administrasyon ng UST sa isang pahayagan sa kampus, binatikos

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Kabi-kabila ang pagbatikos ng mga demokratikong organisasyon at samahan ng mga mamamahayag sa lantarang panunupil at pagpapatahimik ng administrasyon ng University of Sto. Tomas (UST) sa Tomasino Web, isang online na organisasyon sa midya sa kampus. Inatasan ng Office of Student Affairs (OSA) ang naturang organisasyon na tanggalin ang isang larawang ipinaskil sa social media sa pagdadahilang iyon daw ay “public ridicule” (panghihiya o panunuya) sa UST.

Nilaman ng naturang larawan na ipinaskil sa social media noong Pebrero 15 ang mga estudyante ng College of Information and Computing Sciences (CICS)-UST na nakasuot ng kanilang unipormeng “Type B” habang nasa 7-Eleven, isang komersyal na tindahan. Mistulang nainsulto, pilit ipinatanggal kinabukasan ang mga larawan ng OSA, nang naging tampulan ng biruan dahil halos magkatulad ang uniporme ng mga estudyante sa uniporme ng mga empleyado ng naturang tindahan. Pinilit ng OSA na maglabas ang Tomasino Web ng pahayag ng “apology” (paghingi ng paumanhin).

Dulot nito, nagresayn bilang tagapayo ng Tomasino Web si Leo Laparan II, isang mamamahayag at instruktor sa kursong dyurnalismo sa UST, noong Pebrero 19. Aniya, ang pakikialam ng OSA at pagpapatahimik sa pahayagan ay lantarang “censorship” at hindi niya kayang panindigan ang aksyong ito ng OSA.

Giit ni Laparan, isa itong insulto sa kanya bilang mamamahayag na dahilan ng kanyang pagresayn bilang tagapayo. “Prinessure niyo, pinilit niyo ipa-takedown, tapos may threat na ‘pag ‘di ginawa, puwedeng ma-sanction. Saan kami lulugar?” pahayag ni Laparan.

Bilang pagkundena, nagsagawa ng protesta at nagtirik ng kandila ang mga estudyante at organisasyon sa UST sa tarangkahan ng kampus sa bahaging P. Noval. Binatikos nila ang “media censorship” ng administrasyon. Nagpaabot din ng suporta ang iba’t ibang mga organisasyon sa Tomasino Web.

“Ang panibagong interbensyong ito ng administrasyon sa mga organisayon at institusyon ng mga estudyante ay matagal nang ginagawa ng mga awtoridad ng Unibersidad sa tangkang supilin ang ating karapatan sa pampulitikang partisipasyon at pagpapahayag,” ayon sa League of Filipino Students-UST.

Pahayag naman ng UST Journalism Society, “ang censorship na ito sa mga mamamahayag pangkampus ay throwback sa lipas nang mga panahon ng kolonyal na paghahari at panunupil noong batas militar at walang kahit anong lugar sa UST.”

Giit naman ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP), hindi lamang ito porma ng censorship, kundi tahasang atake sa “integridad ng pahayagang pangkampus at atake sa mga diskurso sa mga usapin sa kampus.” Dagdag pa ng CEGP, walang obligasyon ang mga publikasyon na humingi ng paumanhin sa mga ulat nito at kung paanong uunawain ito ng publiko. Nagpahayag din ng suporta ang National Union of Journalists of the Philippines sa Tomasino Web.

Kasalukuyang nakahinto ang lahat ng operasyon ng Tomasino Web dahil sa insidente.

AB: Panunupil at pagpapatahimik ng administrasyon ng UST sa isang pahayagan sa kampus, binatikos