Pasan na kalbaryo ng mamamayan, dulot ng rehimeng Marcos
Sa paggunita ng Semana Santa ngayong taon, naglunsad ng pagkilos malapit sa Mendiola ang mga maralitang-lunsod sa pangunguna ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay na tinawag nitong “Kalbaryo ng Mamamayan” noong Abril 16. Kasama rin sa martsa ang mga kapamilya ng mga biktima ng ekstra-hudisyal na pagpaslang sa ilalim ng nakaraang administrasyong Duterte at mga maralitang nakaranas ng demolisyon ng kanilang mga tirahan, mga kabataan at manggagawa.
Naging tampok sa protesta ang mga imahe ni Kristo, bitbit ang kanyang krus na sumisimbolo sa pagpapahirap ni Ferdinand Marcos Jr sa mamamayan. Makikita sa krus ang mga panawagang pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka, pagbuwag sa National Task Force-Elcac, at pagbasura sa Public Transportation Modernization Program (PTMP).
Ayon sa Kadamay, “ipinapaalala sa mga Pilipino tuwing Semana Santa ang matinding sakripisyo at paghihirap, hindi lamang ni Kristo, pero pati ng mamamayang patuloy na pinapasan ang krus ng kahirapan.”
Naglunsad ng katulad na pagkilos sa parehong araw ang Kadamay-Negros, mga grupo ng maralita, mangingisda at magsasaka sa Bacolod City. Sa anim na istasyon ng martsa, binigyang diin ng mga lumahok ang mga isyung nagpapahirap sa mamamayan tulad ng demolisyon at reklamasyon sa komunidad ng mga mangingisda, kawalang hanapbuhay at malaalipin na pasahod, tanggalan sa BACIWA at CENECO bunsod ng pribatisasyon, pagtaas ng presyo ng bilihin at tuloy-tuloy na militarisasyon sa kanayunan at sentrong syudad.
Noong Abril 14, isang protesta rin ang isinagawa ng mga grupong pambansa-demokratiko sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan-National Capital Region sa Tondo, Manila. Bago nito, nagmartsa sila sa bahagi ng Divisoria.
Nagprotesta rin ang mga manggagawang pangkalusugan sa pangunguna ng Alliace of Health Workers sa tapat ng Department of Health noong Abril 14 para sa dagdag sweldo, mga benepisyo at karapatan sa paggawa. Binansagan nila ang protesta bilang “Kalbaryo ng Manggagawang Pangkalusugan at Mamamayan” para itampok ang kanilang mga paghihirap sa ilalim ng tumitinding krisis sa kalusugan at ekonomya.