Pekeng kwento ng 79th IB sa mga nangyari sa Toboso, inilantad
Pinasinungalingan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Negros Island (Apolinario Gatmaitan Command) ang mga pekeng kwento na ipinalalaganap ng 79th IB at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ng rehimeng Marcos hinggil sa 19 na pinatay nito sa Barangay Salamanca, Toboso, Negros Occidental noong Abril 19. Ayon kay Ka Maoche Legislador, tagapagsalita ng panrehiyong kumand ng BHB, hindi lahat ng pinatay ng militar ay armadong Pulang mandirigma o kombatant.
Tanging isang maliit na iskwad sa mga napatay ang mga Pulang mandirigma ng BHB-Northern Negros (Roselyn Jean Pelle Command) ayon pa sa panrehiyong kumand. Pinamumunuan umano ito ng kumander na si Roger Fabillar (Ka Jhong).
“Ang nalalabing iba pa ay mga sibilyang nagsasadokumento ng aktibidad ng mga magsasaka, bilang pakikiisa sa mga magsasakang walang tigil na ginigipit ng pangangamkam ng lupa at sistemikong pagbabaliwala,” ayon kay Legislador. Tinukoy niyang kabilang sa mga sibilyang ito ang ilang lokal at dayuhang mamamamhayag at mga tagapagtanggol ng karapatang-tao. Aniya, ang tanging dala ng mga ito ay mga kwaderno, kamera at ang hinaing ng mahihirap na itinuturing ng estado na “mapanganib.”
Ayon sa mga ulat, kabilang sa mga sibilyang napaslang ang mamamahayag ng Altermidya na si RJ Nichole Ledesma, lider-estudyante ng University of the Philippines-Diliman na si Alyssa Alano, tagapagtaguyod ng karapatan ng mga magsasaka at mananaliksik na sina Errol Wendel Chen at Maureen Keil Santuyo. Pinatay rin ng 79th IB ang kabataang magsasaka na si Roel Sabillo na noo’y nagtatrabaho lamang sa negosyo ng kanyang tiyuhin.
“Sa gitna ng mga naratibong kumakalat sa mga komunidad at social media, madaling makita kung ano talaga ang kwento ng 79th IB: isang desperadong katha o fiction,” ayon kay Legislador. Dagdag pa niya, napakabilis ng militar na binansagang armado ang lahat ng pinatay at para pagtakpan ang krimen nito, nagpalabas silang mahigit 20 ang armas na nakumpiska sa mga labanan.
Aniya, ang ipinagmamalaki ng 79th IB na “mga tagumpay sa labanan” sa katotohanan ay walang awang pagpatay sa mga sibilyan at indibidwal na ang tanging dala ay kanilnag paninindigan at kagustuhang paglingkuran ang mga mahihirap.
Panawagan para sa imbestigasyon
Kaugnay ng masaker sa Toboso, nanawagan ang National Democratic Front (NDF)-Negros Island sa publiko, masmidya, simbahan, mga tagapagtanggol ng karapatang-tao at organisasyong masa na magsagawa ng isang independyenteng imbestigasyon hinggil sa pangyayari. Ayon kay Ka Bayani Obrero, dapat malaman ang katotohanan sa ginawa ng 79th IB para panagutin ang mga maysala.
Higit umanong lumilitaw ang posibilidad ng mga paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas sa ipinataw ng militar na media blackout isang araw matapos ang insidente sa pagdadahilan ng clearing at hot pursuit operations. Sapilitan ding pinalikas mula sa mga komunidad ang mahigit 600 residente ng Barangay Salamanca at ibang katabing barangay.
Kaduda-duda rin umano ang matagal na pagtago at pabago-bagong pahayag ng militar sa bilang ng mga namatay, mga sinasabing narekober na baril mula 7 hanggang 9 at kalaunan ay higit sa 20, at ang pagtanggi na mayroong mga dayuhang kabilang sa mga namatay.
“Ang sapilitang paglikas at ang mga ulat ng paglabag sa karapatang-tao ay dapat na masusing imbestigahan sa paraang walang kinikilingan, upang dinggin ang panawagan para sa hustisya ng mga biktima at ng kanilang mga pamilya,” ayon kay Obrero.
Parangal at pagpupugay
Sa pagkamatay ng mga Pulang mandirigma at mga sibilyang organisador, bumuhos ang parangal at pagpupugay sa kanilang kabayanihan. Sa Metro Manila at Negros Island, nagkaroon ng mga maiiksing pagtitipon at protesta para itanghal sila kasabay ng mga panawagan para sa hustisya.
“Nagdiriwang at nagpipiging ang mga naghaharing uri, habang ang masang pinagsasamantalahan ay nababalot ng pighati sa pagkasawi ng kanilang mga Pulang mandirigma na ibinigay ang lahat sa paglaban sa mga pasistang halimaw sa Toboso,” ayon kay Ka Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng Partido.
Aniya, walang-tigil ang paninira ng pasistang AFP sa mga nasawing bayani ng bayan bilang mga “terorista” at “kriminal” sa kanilang desperasyong bigyang katwiran ang kanilang buong-lupit na gera ng panunupil at upang itago ang malalalang pang-aabuso laban sa mamamayan. “Hindi tinatanggap ng mamamayan ng Toboso ang mga kasinungalingan ng AFP,” ayon kay Valbuena.
Batid umano ng masang Negrosanon at sila pa ang unang magpapatunay kung papaano silang buong pagmamahal na pinaglingkuran ng mga Pulang mandirigma ng BHB, sa kanilang araw-araw na pagpupunyagi, at sa kanilang pakikibaka upang ipagtanggol ang kanilang kapakanan at mga karapatan. “Itinuturing nila ang mga mandirigma ng BHB bilang sarili nilang mga anak, na walang-pag-iimbot na nagsilbi sa kanila bilang mga duktor, dentista, kasama sa pagsasaka, at guro sa kanilang mga anak,” aniya.
Nakatitiyak ang Partido na ang mga sakripisyo at kabayanihan ng mga nabuwal na Pulang mandirigma ng Negros ay magsisilbing inspirasyon sa mas marami pang mamamayan na makibaka para isulong ang rebolusyonaryong adhikain. “Nabubuwal ang mga mandirigma ng bayan, ngunit ang digmang bayan ay magpapatuloy,” pahayag ni Valbuena.
Mula sa lupang dinilig ng dugo ng mga bayani ng bayan ay uusbong ang mas marami pang pinuno ng mga organisasyong masa, mga Pulang mandirigma ng BHB, at mga kadre ng Partido, aniya.
Samantala sa Quezon City, pinamunuan ng UP Diliman University Student Council noong Abril 23 ang isang programa ng parangal para sa lider-estudyanteng si Alano, iba pang mga kabataang namartir kasama niya, at lahat ng namartir sa Toboso. Napuno ng luha, mga kwento at awit, at matapang na panawagan para sa hustisya ang pagtitipon na sinarhan nila sa pagtitirik ng mga kandila.
“Pag sinabi nating ‘serve the people,’ tutularan natin si Alyssa. ‘Pag sinabi nating ‘serve the people,’ kaya nating talikuran ang araw-araw na buhay sa lungsod, makipamuhay sa mga magsasaka,” ayon kay Rommer Publico, isa sa mga kasamang konsehal ni Alano sa UP Diliman USC.