Balita

Petisyon para sa habeas corpus, isinampa para palayain ang maling inaresto bilang NDFP consultant

Nagsampa ng petisyon para sa habeas corpus sa Court of Appeals ang pamilya ni Prudencio Cebu Calubid Jr, 81 taong gulang, na maling inaresto at pinalalabas na konsultant sa usapang pangkapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) noong Disyembre 2024. Anila, inaresto siya batay sa maling warrant.

Ipinipilit ng mga pwersa ng estado na siya si Prudencio Calubid, dating konsultant ng NDFP na dinukot ng mga ahenteng military noon pang 2006_.

Isinampa ang petisyon ng anak ni Prudencio Jr na si Analyn Calubid, sa tulong ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL). Alinsunod sa petisyon, iligal ang detensyon kay Prudencio Jr. Sa kabila ng pagpapakita ng maraming government-issued IDs at mga dokumento na nagpapatunay ng kanyang pagkakakilanlan, inaresto siya ng Philippine National Police (PNP) at ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa kanyang tahanan sa Olongapo City.

“Ang patuloy na detensyon kay Prudencio Jr ay hindi resulta ng maling pagkakakilanlan; ito ay isang kaso ng sinadyang maling representasyon, na isinagawa sa pagwawalang-bahala sa katotohanan at due process,” pahayag ni Atty. Julian Agpalo ng NUPL. Binigyang-diin niya na malinaw ang ebidensya ng pagkakakilanlan at matagal nang paninirahan ni Prudencio Jr na magtutukoy na hindi siya ang indibidwal na pinangalanan sa warrant.

Sa kasalukuyan, dumaranas si Prudencio Jr ng gout at mga problema sa bato at kinakailangang naka-wheelchair. Labis ang pag-aalala ng kanyang pamilya sa kanyang kalusugan habang siya ay nakakulong. Ipinahayag ni Analyn ang kanyang galit sa isang post sa Facebook. “Sa kabila ng mga hawak naming ebidensya hindi nyo pinakawalan, bakit? Kasi may bounty na PhP 7.8 million ang hinahanap nilang kapangalan ng tatay ko,” aniya.

Iginiit din ng KARAPATAN ang agad na pagpapalaya kay Prudencio Jr. Kinundena ni Secretary General Cristina Palabay ang mga aksyon ng mga pwersa ng seguridad ng estado. Aniya, “Ang mga pwersa ng seguridad ng estado, noon at ngayon, ay inabuso ang kanilang kapangyarihan sa pamamagitan ng pagdukot sa mga indibidwal at iligal na pag-aresto sa mga tao upang makakuha ng mga gantimpalang salapi.” Binanggit niya na ang kaso ni Prudencio Jr. ay bahagi ng mas malawak na padron ng mga maling pag-aresto na kunektado sa reward system ng gubyerno. “Ito ang mersenaryong katangian ng mga pasista sa gubyerno.”

Sinabi ni Palabay na ang kaso ni Tatay Pruding ay hindi isang nakahiwalay na insidente. “Ang paggamit ng sistema ng gantimpala upang arestuhin ang mga sibilyan kapalit ng mga gantimpalang salapi ay isang laganap na praktis ng pulisya at militar,” aniya.

“Dapat itigil ang ganitong praktis at patakaran. Hinihimok namin ang Court of Appeals na ipagkaloob ang petisyon ng pamilya Calubid. Nanawagan kami sa gubyerno ni Marcos Jr na bawiin ang lahat ng utos kaugnay sa reward system dahil labag ito sa mga batayang karapatan at kalayaan ng mamamayan,” iginiit ni Palabay.

AB: Petisyon para sa habeas corpus, isinampa para palayain ang maling inaresto bilang NDFP consultant