Balita

Petisyon para sa pansamantalang pagpapalaya kay Duterte, ibinasura ng ICC

, ,

Sa isang unanimous o walang pagtutol (3-0) na desisyon, ibinasura ng mga husgado ng Pre-Trial Chamber 1 ng International Criminal Court (ICC) ang petisyon ni Rodrigo Duterte para sa interim release o pansamantalang paglaya. Anito, malaki ang potensyal na takasan nito ang hustisya at pakialaman ang mga saksi sa harap ng nagpapatuloy na kapangyarihan ng kanyang pamilya sa Pilipinas.

Ayon sa korte, may tatlong panganib kung pansalamantalang palayain si Duterte. Una, ang panganib na siya’y tumakas, pangalwa ang kasaysayan niya ng intimidasyon sa mga biktima at saksi noong panahon na isinasagawa niya ang kanyang gera kontra droga, at pangatlo, ang panganib na gumawa siya ng dagdag na mga krimen sakaling pansamantala siyang palabasin.

Malaki ang ibinigay na bigat ng ICC sa impluwensya sa pulitika ng pamilyang Duterte. Binanggit ng korte ang pahayag ng kanyang anak na si Sara Duterte na nagmayabang na “itatakas” niya ang kanyang ama sa ICC, gayundin ang isa pa niyang pahayag kaugnay sa diumano’y “pagsasabwatan” ng ICC at ng gubyerno sa Pilipinas. Taliwas ito sa mga pahayag ng mga abugado ni Duterte na susunod diumano siya sa mga kundisyon ng korte sakaling palabasin siya.

Malugod na tinanggap ng mga biktima ni Duterte, kanilang mga abugado at tagasuporta, ang naturang desisyon.

“Maliwanag na nakinig ang mga hukom sa lahat ng panig, lalo na sa mga biktima, sa kanilang paggawa ng desisyon,” pahayag ni Atty. Krissy Conti, ICC-accredited assistant to counsel na kumakatawan sa mga biktima ni Duterte sa drug war. Natutuwa, aniya, ang mga biktima sa ipinakita ng korte na sapat na pagtitiwala at paggalang sa kanila, na madalas ay hindi pinapansin sa internasyunal na batas.

Ayon naman sa Duterte Panagutin Network-Europe, pinatitibay ng desisyon ang matagal nang alam ng mga biktima: na patuloy na may kakayahan, motibo, at network si Duterte upang iwasan ang hustisya at hadlangan ang proseso ng hudikatura. Pinuri nito ang korte sa pagkilalang isang “flight risk” si Duterte.

“Ang desisyon ng Korte ay wastong sumasalamin sa bigat ng mga kaso laban sa kanya at ang pangangailangang tiyakin ang pananagutan para sa libu-libong biktima ng kanyang tinuturing na “gera kontra droga,” anito.

AB: Petisyon para sa pansamantalang pagpapalaya kay Duterte, ibinasura ng ICC